Blazers Giniba ang Lakers
Hawks dinagit ang 3-0 rekord vs Pistons
LOS ANGELES, Philippines — Humugot si Damian Lillard ng 21 sa kanyang 31 points sa second half habang may 20 markers at 11 assists si CJ McCollum para pamunuan ang 115-107 panalo ng Portland Trail Blazers laban sa nagdedepensang Lakers.
Dinuplika ni Gary Trent Jr. ang kanyang career high na pitong three-pointers at tumapos na may 28 points para sa ikalawang sunod na pagdaig ng Blazers sa Lakers sa Staples Center.
Kumolekta si LeBron James ng 29 points, 9 rebounds at 6 assists para sa mga NBA champions at nag-ambag sina Dennis Schroder at Anthony Davis ng 24 at 13 markers, ayon sa pagkakasunod.
Sa Atlanta, inilista ng Hawks ang 3-0 record matapos talunin ang Detroit Pistons, 128-120 tampok ang 29 points ni Trae Young at 17 markers ni Bogdan Bogdanovic.
Nagdagdag ng 15 points si John Collins para sa ikatlong dikit na panalo ng Atlanta.
Sa Denver, nagposte si center Nikola Jokic ng triple-double sa kanyang 19 points, 18 assists at 12 rebounds sa 124-111 paggiba ng Nuggets sa Houston Rockets.
Ito ang ika-42 triple-double ni Jokic sa kanyang career.
Sa Oklahoma City, ikinonekta ni Donovan Mitchell ang isang go-ahead layup sa huling pitong segundo ng laro para itakas ang Utah Jazz laban sa Thunder, 110-109.
Sa New York, tinalo ng Memphis Grizzlies ang Brooklyn Nets, 116-111, sa overtime bagama’t hindi natapos ni Ja Morant ang laro matapos magkaroon ng sprained ankle injury.
- Latest