Gyms, fitness centers at iba pa pinayagan nang magbukas ng IATF
MANILA, Philippines — Simula sa Sabado ay inaasahang magsisibalikan na ang mga fitness buffs sa mga gyms at fitness centers.
Ito ay matapos ihayag kahapon ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez ang pagpayag ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF) na muling buksan ang mga gyms at fitness centers sa gitna ng kinakaharap na coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ngunit ito ay gagawin lamang sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) at sa limitadong operasyon.
“Inilabas namin ‘yung rekomendasyon kahapon at napag-usapan din kagabi, kinonfirm naman nila ‘yung mga ni-recommend ng DTI para po sa dahan-dahan na gradual reopening,” ani Lopez sa panayam ng DZMM Teleradyo.
Puwede na ring buksan ang mga review centers, internet shops, personal grooming services at drive-in cinemas sa 30 percent capacity lamang.
- Latest