Ayaw sa pipitsugin!
Pacquiao top boxers ang gustong kalaban - Roach
MANILA, Philippines — Hindi lumalaban si eight-division world champion Manny Pacquiao sa mga pipitsugin.
Ito ang pananaw ni Hall of Famer American trainer Freddie Roach na ilang dekada na ring kasama si Pacquiao sa boksing.
Alam nito ang kalidad ni Pacquiao.
Hindi ito pipili ng mga puchu-puchung boksingero.
Sanay si Pacquiao sa challenge at matinding bakbakan.
Mas gugustuhin nitong makipagbugbugan upang mabigyan ng magandang laban ang mga boxing fans.
Kaya naman patok na patok sa takilya sa oras na sumasalang ang Pinoy champion sa ibabaw ng ring.
“One thing about Manny: He doesn’t just want to beat anybody, he wants to beat the best out there,” wika ni Roach sa programa ng DAZN na Boxing with Chris Mannix.
Nakahilera ang mga big names sa listahan ng posibleng makalaban ni Pacquiao.
Pinakamaingay sa ngayon ang pangalan ni World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Terence Crawford na gustong harapin ang reigning World Boxing Association (WBA) welterweight king na si Pacquiao.
Ipipilit ni Top Rank chief Bob Arum na matuloy ang unification bout nina Pacquiao at Crawford.
Sa katunayan, target ni Arum na dalhin sa Bahrain ang laban - lugar kung saan inaasahang dudumugin ang venue dahil sa mga Overseas Filipino Workers sa naturang bansa at karatig-bansa nitong Saudi Arabia, Qatar at United Arab Emirates.
Maliban kay Crawford, pasok na pasok din ang pangalan ni Errol Spence na nagmamay-ari naman ng World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) welterweight belts.
Mabangis si Pacquiao sa kanyang huling dalawang laban - kontra kina Keith Thurman at Adrien Broner.
Nauna nang inihayag ni Roach na nagbalik na ang dating porma ni Pacquiao kaya’t kayang-kaya nitong makipagsabayan sa mga bagito at world-class boxers.
“The old Manny Pacquiao’s back!’ I’m really happy about that,” ani Roach.
Maliban kina Crawford at Spence, kandidato rin sina Mikey Garcia, Danny Garcia at Amir Khan maging sina mixed martial arts champion Conor McGregor at retired undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr.
- Latest