Pacquiao tuloy ang home workout
Habang naka-quarantine
MANILA, Philippines — Ibinubuhos ni eight-division world champion Manny Pacquiao ang kanyang oras sa pamamagitan ng workout session kasama ang kanyang buong pamilya.
Nagdesisyon ang Pinoy champion na sumailalim sa self quaratine sa kanilang tahanan sa Makati sa kabila ng pagiging negatibo sa kanyang test sa coronavirus disease (COVID-19).
Agad na nagpa-test si Pacquiao matapos makasalamuha noong Marso sa Senado si Senator Koko Pimentel na nagpositibo sa coronavirus.
Kaya naman iba’t ibang makatuturang gawain na lamang ang pinagtutuunan ng pansin ni Pacquiao para magsilbi ring halimbawa sa kanyang mga tagahanga.
Sa kanyang facebook live, kasama ni Pacquiao ang kanyang mga anak at asawang si Jinkee sa workout na sinabayan ng iba’t ibang musika gaya ng Despacito, Lambada at Dayang Dayang.
Nagbasa rin si Pacquiao ng ilang komento mula sa kanyang mga fans kung saan nagpasalamat ito sa mga magagandang mensaheng kanyang natanggap.
Tumagal ang workout ni Pacquiao ng mahigit isang oras. Isa ito sa paraan ng world champion para manatiling nasa kundisyon ang kanyang pangangatawan.
Target ni Pacquiao na magbalik sa ring sa Hulyo ngunit wala pang pormal na anunsiyo ang kanyang grupo kung sino ang makakalaban nito.
Sa ngayon, nakatutok si Pacquiao sa kanyang tungkulin bilang Senador ng bansa.
Naging kaakibat si Pacquiao ni Chinese billionaire Jack Ma para mamahagi ng mga medical equipment at test kits para sa mga Pilipino.
Nag-donate rin si Pacquiao ng limang bus na magiging service ng mga frontliners na nagta-trabaho sa mga ospital.
- Latest