SMB-Alab sasagupa sa Vampires
MANILA, Philippines — Haharapin ng San Miguel-Alab Pilipinas ang Thailand Mono Vampires sa 2019-2020 Asean Basketball League (ABL) sa Caloocan City Sports Complex.
Susubukan ng SMB-Alab ni head coach Jimmy Alapag na dominahin ang bisitang Mono Vampires sa kanilang bakbakan ngayong alas-7:30 ng gabi.
Tinambakan ng Thailand team ang Alab Pilipinas sa una nilang pagtatagpo, 111-76, noong Nobyembre 17 sa teritoryo ng kalaban, ngunit bumawi ang koponan ni Alapag, 96-73, sa ikalawa nilang paghaharap noong Disyembre 17 sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Nanggaling sa 77-76 panalo ang Alab Pilipinas kontra sa Hong Kong Eastern noong Enero 23 at tinalo ng Mono Vampire ang Singapore Slingers, 67-65, noong Enero 19.
Inaasahang muling sasandal si Alapag kina imports Nick King, Prince Williams at 7-foot-5 Sam Deguara ng Maltese at mga locals na sina Fil-Assie Jordan Heading at Jeremiah Gray.
- Latest