MPBL Canada games sisikad ngayon
MANILA, Philippines — Sa unang pagkakataon, magpapasiklab ang Maharlika Pilipinas Basketball League sa Canada sa paghaharap ng Zamboanga Family Sardines kontra sa Imus Bandera sa Seven Chiefs Sportsplex sa Calgary, Alberta.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na nagdaos ang MPBL ng dalawang araw na international games matapos ang dalawang laro sa Dubai, UAE noong Setyembre.
Sa dalawang araw na Canada games, magtatagpo rin ang 21-man Pacquiao All-Star team 1 kontra sa Calgary Selection 1 ngayong araw at laban sa Edmonton team 2 bukas sa Edmonton Expo Center sa Edmonton, Canada.
Umalis na noon pang araw ng Pasko ang Imus Bandera team kasama ang movie-TV actor na si Gerald Anderson at dating PBA MVP Jayjay Helterbrand habang sumunod naman ang Zamboanga Valientes para sa nasabing out-of-the country games.
Kabilang sa MPBL entourage sina commissioner Kenneth Duremdes, deputy commissioner Zaldy Realubit at operation chief Emmer Oreta.
Si Duremdes at si Oreta ay kasamang maglalaro sa All-Stars habang si Realubit naman ang kanilang coach.
Ang iba sa grupo ay sina MPBL Datu Cup MVP Gab Banal ng Bacoor Strikers, Chris Lalata (Bicol Volcanoes) at Spencer Eman (Sarangani Marlins).
Maglalaro rin para sa All-Stars team sina Mark Yee (Davao Occidental), Michael Juico (Pampanga), Val Acuña (Valenzuela), Paulo Hubalde (Valenzuela), Chris Bitoon (Manila), Aris Dionisio (Manila), Jeff Viernes (Batangas), Jhaymo Eguilos (Batangas) at Anderson (Imus Bandera).
- Latest