Ancajas milyon ang kikitain vs Gonzalez
MANILA, Philippines — Milyones ang kikitain ni International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas anuman ang mangyari sa pagdepensa nito sa kanyang titulo laban kay Miguel Gonzalez ng Chile sa Disyembre 7 (Disyembre 8 sa Maynila) sa Auditorio GNP Seguros sa Puebla, Mexico.
Ito ang paniniyak ni Top Rank Promotions chief Bob Arum ngunit hindi nito isiniwalat ang eksaktong halaga ng tatanggaping premyo ni Ancajas.
Nauna nang napaulat na tatanggap si Ancajas ng $175,000 o tumataginting na P9 milyong piso – ang pinakamalaking fight purse ng Pinoy champion sa kanyang boxing career.
Ito ang parehong fight purse ni Ancajas sa kanyang nakanselang laban kontra kay Mexican Jonathan Javier Rodriguez noong Nobyembre 2 sa Carson, California.
Hindi natuloy ang labang Ancajas-Rodriguez dahil sa problema sa visa ng Mexican pug.
Sa pagkakataong ito, titiyakin ng Top Rank na magiging maayos ang lahat ng dokumento ni Gonzalez upang walang aberyang maganap tulad ng nangyari kay Rodriguez.
- Latest