Dugo’t pawis puhunan ni Yulo sa tagumpay
MANILA, Philippines — Namamayagpag si Carlos Edriel Yulo matapos makuha ang gintong medalya sa men’s floor exercise ng 49th FIG Artistic Gymnastics World Championships na ginanap sa Hanns Martin Schleyer Halle sa Stuttgart, Germany.
Subalit hindi basta basta ang pinagdaanan ni Yulo para marating ang tugatog ng tagumpay.
Sipag at tiyaga, dugo at pawis ang naging sandigan ng 19-anyos gymnast na tubong Leveriza, Pasay.
Sumailalim ito sa matinding pagsasanay sa Japan upang makuha ang perpektong routine na naging armas nito para hablutin ang ginto sa world meet.
“Iba talaga yung training sa Japan kumpara sa Pilipinas. Doon mo makikita yung magagaling talaga na gymnasts nakakasabay mo sila sa training,” ani Yulo.
Marami itong natuklasan sa kanyang sarili sapul nang magsimula itong mag-training sa Japan noong 2016.
“May mga bagay na akala ko hindi ko kayang gawin pero kaya ko pala. May mga routines na delikado talaga pero kaya ko palang gawin,” ani Yulo.
May pagkakataon na halos sumuko na ito dahil sa home sick.
Ngunit hindi bumitaw si Yulo dahil may nais itong maabot.
“Mahirap talaga yung training sa Japan at yung malayo sa pamilya pero nagsakripisyo ako dahil gusto ko itong ginagawa ko. Nagtiyaga ako dahil may gusto akong maabot na pangarap,” ani Yulo.
Bukod sa gintong medalya, nakahirit din si Yulo ng tiket sa 2020 Olympic Games na idaraos sa Tokyo, Japan.
- Latest