Taguinod sumisid ng silver sa India
MANILA, Philippines — Nagparamdam ng lakas si Philippine Swimming Incorporated (PSI) tanker Jalil Sephraim Taguinod laban sa matitikas na Asian tankers matapos makasungkit ng pilak na medalya sa 10th Asian Age Group Swimming Championship na ginaganap sa Padukone-Dravid Centre for Sports Excellence sa Bengaluru City, India.
Nagrehistro si Taguinod ng 31.10 segundo para pumangalawa sa boys’ 14-year 50m breaststroke event.
Nakuha ni Japanese Yamato Okadome ang gintong medalya bunsod ng naitala nitong 30.26 segundo habang nagkasya sa tanso si Kozhakhmetov Arsen ng Kazakhstan na may 31.49 segundo.
Higit pang pinaningning ang kampanya nito matapos wasakin ang 16 taong Philippine national junior record na 31.27 segundo sa 50m breaststroke na naisumite ni Gerard Bordado noong 27th Southeast Asia Age Group Swimming Championships na ginanap sa Pilipinas.
Ito ang ikalawang Philippine national junior record na nabasag sa torneo matapos unang wasakin ni Swimming Pinas standout Micaela Jasmine Mojdeh ang lumang marka sa girls’ 13-year 200m Individual Medley tangan ang 2:29.87 – mas maganda sa kanyang dating record na 2:30.31
Sa kabuuan, mayroon nang dalawang medalya ang Pilipinas sa torneong nilahukan ng mahigit 1,000 tankers mula sa 26 bansa.
- Latest