Leonard, Siakam inakay ang Raptors
TORONTO-- Umiskor si Kawhi Leonard ng career-high 45 puntos habang si Pascal Siakam ay umani rin ng career-best 28 puntos, 10 rebounds para iangat ang Raptors sa 122-116 panalo laban sa Utah Jazz sa kanilang home court noong Martes ng gabi.
Bukod kay Leonard at Siakam, tumulong din ng 14 puntos si Norman Powell upang masungkit ng Raptors ang kanilang ika-apat na sunod na panalo.
Pinangunahan ni Jae Crowder ang Jazz sa kanyang career-high 30 puntos habang si Derrick Favors ay gumawa ng 21 at 19 naman mula kay Donovan Mitchell para sa Utah na bumaba sa 10-12 record sa kanilang road game at 18-20 overall.
Nagpasiklab si Leonard sa ikatlong yugto kung saan isinalpak niya ang lahat ng pitong field-goal na may kasama pang limang foul shots.
Tumipa rin siya ng 19 puntos sa second quarter na pinakamarami sa isang Raptor player sa season na ito.Si Serge Ibaka ay pumuntos ng 20 sa first quarter noong Nov. 4 sa kanilang road game laban sa Los Angeles Lakers.
Sa Milwaukee, umani si Brook Lopez ng 25 puntos habang si Giannis Antetokounmpo ay nagpainit ng spectacular one-handed dunk para sa 121-98 panalo ng Bucks kontra sa Detroit Pistons.
Tumulong din ng 22 puntos si Khris Middleton at 18 naman kay Eric Bledsoe para sa Milwaukee.
Tumapos lamang ng 15 puntos si Antetokounmpo pero ang kanyang slam dunk sa harap ni Jon Leuer ay sapat na para painitin ang buong Milwaukee.
Sa Sacramento, nagwagi ang Portland Trail Blazers laban sa Kings via overtime,113-108.
Nagpasabog si Damian Lillard ng lima mula sa kanyang 25 puntos sa overtime para sa kanilang ika-apat na sunod na panalo laban sa Sacramento.
- Latest