Tatapusin agad ng Falcons
Laro Bukas(MOA, Pasay City)
3:30 p.m. Adamson vs UP
MANILA, Philippines — Tangan ang twice-to-beat bentahe, kailangan lamang ng second seed Adamson ng isang panalo laban sa third seed University of the Philippines sa kanilang paghaharap ngayon sa Final Four ng Season 81 UAAP men’s basketball tournament sa MOA sa Pasay City.
Haharapin ng Soaring Falcons ang Fighting Maroons sa alas-3:30 ng hapon.
Sa iba pang semis battle, maglalaban din ang top seed Ateneo at fourth seed Far Eastern University sa Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Tumapos ang Soaring Falcons sa double-round elimination sa 10-4 win-loss kartada bilang second seed sa likuran ng nangunguna at nagdedepensang Blue Eagles (12-2) upang makopo ang ikalawang twice-to-beat edge.
Sa pagtatapos ng elimination round, nagsosyo naman ang UP, FEU at La Salle sa parehong 8-6 card, ngunit nasungkit ng Fighting Maroons ang ikatlong semis berth bunga ng kanilang mataas na quotient.
Ito pa lamang ang unang pag-akyat ng UP sa Final Four sa huling 21 taon kaya hangad ni coach Bo Perasol na palawakin pa ang kanilang misyon hanggang sa Finals.
“Sometimes, you doubt yourself, tao lang tayo eh, but I have to be an example of confidence at what we’ve put it. Mararamdaman natin ang pressure, but you need to go through that para ma-achieve mo yung gusto mo,” sabi ni Perasol.
Sasandal si Perasol kay Nigerian Bright Akhuetie, ang unang MVP mula sa UP sa loob ng 32 taon at Mythical 5 member na si Juan Gomez de Liano, top shooter Paul Desiderio, Jun Manzo at Diego Dario.
Itatapat naman ni coach Franz Pumaren sina Jerrick Ahanmisi na kabilang din sa Mythical 5 sa taong ito, Sean Manganti, Papi Sarr, Jerie Pingoy, Jerom Lastimosa, Simon Camacho, Jonathan Espeleta at Vince Magbuhos.
- Latest