BaliPure makikisalo sa unahan
Laro Ngayo (Flying V Center)
10 a.m. IEM vs Vice Co. (M)
4 p.m. BaliPure vs BanKo-Perlas (W)
6:30 p.m. Iriga-Navy vs Pocari-Air Force (W)
MANILA, Philippines — Target ng BaliPure ang ikatlong sunod na panalo sa pakikipagtipan nito sa BanKo-Perlas ngayong hapon sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League Season 2 Reinforced Conference sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.
Hahataw ang paluan ng Water Defenders at Perlas Spikers sa alas-4 kasunod ang duwelo ng Iriga-Navy at nagdedepensang Pocari-Air Force sa alas-6:30 ng gabi.
Tangan ang 2-1 baraha, nais ng BaliPure na makisosyo sa unahan ng standings kasama ang Creamline at PayMaya na kasalukuyang namamayagpag sa tuktok taglay ang parehong 3-1 kartada.
Lumasap ang Water Defenders ng opening-game loss subalit agad itong bumawi nang kubrahin nito ang dalawang sunod na panalo sa likod ni import Janisa Johnson.
Inaasahang muling sasandalan ng BaliPure si Johnson kasama sina Nazareth School of National University standouts Faith Nisperos at setter-skipper Joyme Cagande para tapatan ang Perlas Spikers.
Taliwas naman ang kinahinatnan ng BanKo.
Maganda ang simula ng Perlas Spikers nang pataubin ang Creamline subalit lumasap ito ng sunud-sunod na kabiguan upang bumagsak sa ilalim ng standings tangan ang 1-3 baraha.
Sa men’s division, puntirya ng Instituto Estetico Manila ang ikatlong dikit na panalo sa pagharap nito sa Vice Co. sa alas-10 ng umaga.
- Latest






















