Trail Blazers dinomina ang Thunder sa Balwarte
OKLAHOMA CITY-- Kumolekta si C.J. McCollum ng 27 points at 7 assists para banderahan ang Portland Trail Blazers sa 117-106 panalo laban sa Thunder sa pagbubukas ng kanilang four-game trip.
Nagdagdag si Shabazz Napier ng 21 points at naglista si Jusuf Nurkic ng 20 points at 8 rebounds para sa Portland, inungusan ang Oklahoma City sa second place sa Northwest Division.
Ito ang pang-pitong panalo ng Blazers sa kanilang siyam na pagkikita ng Thunder.
Naipanalo ng Portland ang apat sa kanilang limang laban bagama’t hindi naglalaro si star guard Damien Lillard, may left calf strain injury.
Kumolekta si Russell Westbrook ng 22 points, 12 assists at 9 rebounds, habang umiskor sina Paul George at Carmelo Anthony ng 22 at 19 points, ayon sa pagkakasunod para sa Oklahoma City.
Nakalapit ang Thunder sa 76-83 sa huling 1:39 minuto sa third quarter mula sa basket ni Anthony ngunit humataw ang Blazers ng 13-1 atake para kunin ang 96-77 bentahe sa 10:25 minuto ng fourth period.
Sa Dallas, tumipa sina Dirk Nowitzki at rookie Dennis Smith Jr. ng tig-20 points at tinapos ng Mavericks ang three-game slide nang gibain ang Orlando Magic, 114-99.
Nagdagdag si Wesley Matthews ng 16 points para sa Dallas, huling nanalo noong Disyembre 31 laban sa Oklahoma City.
Umiskor sina Harrison Barnes at Yogi Ferrell ng tig-15 points at nag-ambag si J.J. Barea ng 12 assists at 8 points.
Nakamit ni Mavericks coach Rick Carlisle ang kanyang ika-708 career win para ungusan si John MacLeod sa No. 17 sa NBA history.
- Latest