Vargas sa POC-PSC: ‘Kami ang mananagot’
MANILA, Philippines – Kami ang mananagot sa ipakikitang laban ng mapipiling boksingero sa Singapore SEA Games.
Ito ang pahayag ni ABAP president Ricky Vargas na suportado rin ang pagsali ng Pilipinas sa AIBA Professional Boxing na binabatikos ng mga opisyales ng POC at PSC.
Sumagot si Vargas matapos batikusin ang pahayag ng asosasyon na hindi na nila balak isama sina Olympian at Myanmar SEA Games gold medalist Mark Anthony Barriga at Incheon Asian Games Charly Suarez sa Singapore para pagtuunan ang susunod na edisyon ng APB.
Hindi maganda ang hakbang na ito para sa POC at PSC dahil naniniwala ang mga opisyales nito na sina Barriga at Suarez ang best bet para sa gintong medalya sa Singapore.
Dahil dito ay nais pang ipalabas ni POC 1st Vice President Joey Romasanta ang pinirmahang kontrata ng Pilipinas para sumali sa APB upang makita ang tunay na layunin nito.
Isinantabi ni Vargas na hindi kapakanan ng bansa ang tiningnan ng ABAP nang sumali sa APB dahil ang palarong ito ay may basbas ng kanilang international federation na AIBA.
Idinagdag pa ni Vargas na ang kompetisyon ay ginagamit din ng AIBA bilang isa sa ilang qualifying events para sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.
“APB is good for our boxers and for Philippine boxing. This is in line with our long-term goal to have more boxers qualify in the Olympics and increase our chances for a medal without sacrificing our short-term goals,” paliwanag ng ABAP opisyal.
Hindi rin nakikita ng ABAP na maaapektuhan ang ipadadalang panlaban sa SEA Games sa Hunyo dahil may iba pang mahuhusay na boksingero na puwedeng ipalit kina Barriga at Suarez.
Sa halip na batikusin, dapat ay suportahan na lamang at bigyan ng pagtitiwala ang mga aksyon na tinatahak ng ABAP dahil ito ay para sa kapakanan ng Pilipinas.
“Rest assured we would never do anything detrimental to the national sports program,” paniniyak pa ni Vargas. (AT)
- Latest




















