Phil kasama sa Asian Best XI ng Goal.com
MANILA, Philippines - Patuloy ang pag-ani ng papuri ni Philippine Azkals striker Phil Younghusband matapos ang magandang ipinakita sa idinaos na AFC Challenge Cup sa Nepal.
Ang Goal.com ang huling kumilala sa husay ni Younghusband na gumawa ng anim na goals sa Challenge Cup upang tulungan ang Pilipinas na maitala ang pinakamagandang pagtatapos na ikatlong puwesto at makuha rin ang Golden Boot award.
Nasama ang 24-anyos na si Younghusband sa 11 pinakamahuhusay na manlalaro sa Asia sa ipinalabas na Goal.com’s Asian Best XI para sa buwan ng Marso.
Nakasama ni Younghusband sa Asian Best XI sa nagdaang buwan na naglaro sa Challenge Cup ay si North Korean centre-midfielder Park Nam Chol I na siya ring lumabas bilang MVP ng torneo nang tulungan ang Koreans na mapanatiling suot ang titulo sa ikalawang sunod na taon.
Ang iba pang nakasamang manlalaro ay sina goal keeper Baba Malick ng Lekhwiya, right-back Salem Al Dosari ng Al Hilal, centre-back Alex Wilkinson ng Central Coast Mariners, centre-back Mohammad Nosrati ng Persepolis, left-back Hassan Ashjari ng Sepahan, right midfield Koo Ja-cheol ng Augsburg, center-midfield Shinji Kagawa ng Borussia Dortmund, left-midfield Suchao Nuchnum ng Buriram United, at attacking midfield Nam Tae Hee ng Lekhwiya.
Si Central Coast Mariners manager Graham Arnold ang tumayong pinakamahusay na manager sa buwan ng Marso.
Naggawad din ng Goal.com ng Asian Player of the Month gamit ang botohan mula sa mga panatiko ng football at ang nanalo rito ay si Kagawa na umani ng 42.86% boto.
- Latest
- Trending



















