2 Azkals kinasuhan ni Ramos ng sexual harassment sa AFC

MANILA, Philippines - Hindi magsasawalang-kibo ang Philippine Football Federation (PFF) sa reklamong sexual harassment na isinampa ng dating POC president at ngayon ay opisyales ng football na si Cristy Ramos sa dalawang kasapi ng Philippine Azkals.

Ang reklamo ay idinulog ni Ramos, chairperson sa women’s committee ng Asian Football Confederation at kasapi rin ng ganitong komite sa international federation FIFA, sa AFC kamakalawa at itinuro sina Lexton Moy at Juan Luis Guirado na siyang nambastos sa kanya.

Nangyari ang insidente nang pasukin ni Ramos ang dugout ng Azkals bilang bahagi sa isasagawang inspeksyon bago ang laro sa pagitan ng Azkals at Malaysia Tigers noong Miyerkules sa Rizal Memorial football field.

Si Ramos na anak ng dating Pangulong Fidel Ramos ang itinalaga bilang match commissioner sa friend­ly game na ito na na­uwi sa 1-1 tabla.

Isang manlalaro umano ay nagtanong pa sa kan­ya kung ano ang size ng kanya bra habang ang isa ay humarap ng walang pang-itaas na damit, bagay na hindi pinahihintulutan ng FIFA Ethics regulations.

 “Sa AFC nagsampa ng reklamo si Mr. Ramos pero ang PFF ay hindi magsasa­walang kibo. While we are awaiting the recommendation of the AFC regarding the matter, the PFF will also be conducting its own parallel investigation to be handled by the Discipli­nary Committee headed by Atty. Eric Ingles,” ani PFF secretary-general Atty. Rolly Tulay.

Sina Moy at Guirado ay kasama ng Azkals na umalis kahapon patungong Nepal na sasabak sa AFC Challenge Cup.

Show comments