Pacquiao-Bradley maghaharap sa Martes

MANILA, Philippines - Isang two-city, coast-to-coast media tour ang gagawin nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley, Jr. na magsisimula sa Martes sa Beverly Hills, California para sa kanilang suntukan sa Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Makakasama nina Pacquiao at Bradley ang kani-kanilang chief trainers na sina Freddie Roach at Joel Diaz, ayon sa pagkakasunod, bukod pa kay Bob Arum ng Top Rank Promotions.

Magkikita sina Pacquiao at Bradley sa news confe­rence luncheon sa The Beverly Hills Hotel sa Martes at sa New York sa Chelsea Piers sa The Lighthouse sa Huwebes.

Sa pagtatapos ng kanilang New York public news conference, magbabalik si Pacquiao sa Maynila, habang didiretso naman si Bradley sa Bristol, Conn kung saan siya tatayong in-studio guest sa ESPN Friday Night Fights.

Ang mga tiket ay nagkakahalaga ng $1,200, $900, $600, $400 at $200. Ang tiket sa $1,200, $900, $600 at $400 ay limitado lamang sa 10 bawat tao, habang ang $200 ay ibebenta sa dalawa kada tao.

Nakatakdang itaya ni Pacquiao (53-3-2, 38 KOs) ang kanyang World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Bradley (28-0-0, 12 KOs).

Nakita ang 28-anyos na si Bradley sa undercard ng ‘trilogy’ nina Pacquiao at Juan Manuel Marquez noong Nobyembre 12 kung saan niya tinalo si Joel Casamayor ng Cuba via eight-round TKO.  

Show comments