Biado tinalo si Cuartero sa 8-ball finals; lalabanan si Orcollo para sa 9-ball title
MANILA, Philippines - Inangkin ni Carlo Biado ang kanyang unang local tournament title nang igupo si Allan Cuartero, 9-3, sa finals ng 8-ball sa BSCP National Pool Championship kahapon sa Star Billiards Center sa Grace Village, Quezon City.
Nilimas ni Biado ang unang dalawang racks at hindi na nagpapigil pa kay Cuartero.
Inangkin ni Biado ang premyong P50,000, habang tinanggap naman ni Cuartero ang P20,000.
Sa semifinals, pinayukod ni Biado si world No. 1 at world 8-ball champion Dennis Orcollo, 8-5, habang nilusutan ni Cuartero si Ricky Zerna, 8-7, para itakda ang kanilang finals showdown.
Noong Sabado, ginapi ni Biado si dating national junior champion Jerico Banares, 9-4, sa semis ng 9-ball competition para sa kanyang ikalawang finals appearance sa tatlong events na inilatag sa national championship.
Ang isa pang event ay ang 10-ball.
Pag-aagawan nina Biado at Orcollo, dinaig si Roberto Gomez, 9-8, sa kanilang semis duel, ang titulo sa 9-ball event.
Ang cue artist na magtatala ng best record matapos ang tatlong events ang siyang aangkin sa national pool championship crown bitbit ang top purse na P200,000.
- Latest
- Trending