Lao, Chua kampeon sa National Youth

MANILA, Philippines - Tinalo nina Kim Lao at Kenneth Chua ang kani-kani-lang top seeded rivals upang koronahan ang kanilang sarili bilang 2009 National Youth Champions sa pagtatapos ng 17th National Youth Tenpin Bowling Championships na idinaos sa Bowling Inn sa Taft Avenue.

Kinatawan ni Lao, mainstay ng national ladies team ang Team Prima 1, ginapi ang kalabang top seed na si Alexis Sy ng TBAM, 223-195 para sa gintong medalya sa Girls' masters finals.

Pinataob din nina Lao at Sy ang kani-kanilang kalaban sa semifinals upang isaayos ang kanilang pagsagupa sa gold.

Hiniya ni Sy si Niqui Bernabe ng PBAP, 268-183, habang ginapi naman ni Lao ang three gold medal winner na si lara Posadas ng TBAP rin, 208-192 sa semifinals. Sina Sy at Lao ay kapwa produkto ng youth program sa Cebu.

Kinuha ni Posadas ang bronze upang idagdag sa kanyang tatlong ginto at isang silver at tanghaling most bemedalled bowler ng apat na araw na championships na inorganisa ng PBC Youth Committee.

Tinanghal naman si Chua ng TBAM na bagong national boys champion matapos na talunin ang top seed at perfect-gamer na si Enzo Hernandez ng Team Prima 1 sa finals, 237-225 upang kunin ang Boy's Masters gold sa Boy's side ng torneo.

 Naging mahigpitan naman ang labanan sa tikas nina Chua at Sy sa Masters upang angkinin ang Paeng Nepomuceno Youth Perpetual Cup. 

Show comments