MANILA, Philippines - Patuloy ang pananalasa ng San Miguel Beer matapos itala ang kanilang ikapitong sunod na panalo nang kanilang dominahin ang Coca-Cola, 107-84 sa out of town game ng KFC PBA Philippine Cup sa Cebu Coliseum kagabi.
Naging epektibo ang depensa ng Beermen na agad nakalayo sa kaagahan ng laro at lumamang ng hanggang 25 puntos upang iangat ang record sa 7-2 at humigpit ang kapit sa ikalawang puwesto.
Naitala ng SMBeer ang pinakamalaking kalamangan sa 90-65 papasok sa huling walong minuto ng labanan upang ipalasap sa Tigers ang ikatlong sunod na talo na nagbagsak sa kanila sa 1-6 record.
Magpapatuloy ang aksiyon sa Araneta Coliseum kung saan hangad ng league-leader Alaska Aces na ipagpatuloy ang pagbangon sa pakikipagharap sa Purefoods sa tampok na laro, alas-7:30 ng gabi.
Matapos madungisan ang malinis na katayuan nang malasap ang kauna-unahang pagkatalo sa kulelat na Rain Or Shine, agad nakabawi ang Aces matapos igupo ang defending champion Talk ‘N Text, 110-106 noong Biyernes upang manatiling matatag sa liderato.
Sa pambungad na laro, magsasagupa naman ang Sta. Lucia Realty at Barako Bull sa alas-5:00 ng hapon.
Inspirado ang Cebuanong si Dondon Hontiveros sa paglalaro sa harap ng kanyang mga kababayan nang pangunahan nito ang Beermen sa pagkamada ng 17 puntos at maging ika-60th miyembro ng 5,000 point club.
San Miguel 107 – Hontiveros 17, Santos 16, Pena 14, Villanueva 12, Tugade 9, Cortez 9, Racela 7, Pennisi 7, Eman 7, Custodio 5, Miranda 2, Calaguio 2.
Coca-Cola 84 – Macapagal 18, Singson 11, Ross 11, Rodriguez 9, Espino 6, Bono 6, Cabagnot 5, Calimag 5, Cruz 4, Gonzales N. 4, Allera 3, Gonzales W. 2.
Quarterscores: 29-17, 56-39, 82-61, 107-84.