Calderon, umeksena laban sa mga bigating riders

MANILA, Philippines - Matapos manguna sa 25k individual time trial ng National Open try-outs, tuluyan nang naagaw ni Joel Calderon ang korona sa ibang mga sikat na pangalan ng karera noong Linggo sa Sierra Madre, Tanay, at pinatatag ang tsansang makabilang sa national team na lalahok sa Southeast Asian Games sa Laos sa Disyembre.

Kumaripas para sa panalo, pumedal ang 21 anyos na si Carderon sa maikling oras na 46:24:01 para daigin si former RP team mainstay Emilito Atilano na may 48:36:01 at si Irish Valenzuela.

Naging maningning rin ang pagkapanalo ng magsasakang tubong Guimba, Nueva Ecija nang maungusan nito ang mga beteranong sina Warren Davadilla at Arnel Querimit sa unang araw ng ITT try-out na siyang bubuo ng RP team na lalarga sa Laos SEA Games sa Disyembre.

Pagkatapos ng maraming taon, ngayon lamang nag-organisa ang Integrated Cycling Federation of he Philippines (ICFP), sa pamumuno ni Dr. Mikee Romero ng open try-out na bukas sa lahat ng mga interesadong siklista.

Upang lalong mapalakas ang grupo na ipapadalang kinatawan ng Pilipinas, pinaplano ni Romero na suportahan ang 25 man RP team pool members para sa SEA Games bagamat apat na event lamang ang lalahukan ng Pinas.

Sa kabila ng pagiging 6th placer ni Benito Lopez sa ITT, napipisil pa rin itong sumama sa tropa dahil sa pangunguna nito sa point system na isang batayan sa pagpili ng mga kinatawan sa prestihiyosong patimpalak. Gaganapin ang huling araw ng try-out bukas sa Quezon City Memorial Circle.

Kabilang sa mga pangalang mahigpit na susugal upang makakuha ng pwesto sa RP team ay sina Rey Martin (7th), Ed Bulleser (8th), Feliciano (9th) at John Paul Morales (10th). (Sarie Nerine Francisco)


Show comments