Backto-back title asinta ni Pagulayan

Tatangkain ni dating world champion Alex Pagulayan na maging kauna-unahang back-to-back champion ng Party Poker.net World Pool Masters sa pagtatanghal ng pinakaprestihiyosong pool event ng kanilang ika-17th edisyon sa Mayo 8-10 sa makasaysayang Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.

Tinalo ng 30 anyos na si Pagulayan ang dati ring world titlist na si Mika Immonen sa kapana-panabik na laban noong nakaraang taon.

“It’s one of the tourna-ment I’m always looking forward to be part of,” wika ni Pagulayan, ang ikalawang Pinoy na nagwagi sa torneong inorganisa ng Matchroom Sport kasunod ni Francisco ‘Django’ Bustamante noong 1998 at 2001. “For me winning this tournament is like winning the world championship.”

Makakasama ni Pagulayan ang mga kababayang sina dating world number 1 Dennis Orcollo sa pagsuot ng bandila ng bansa sa kompetisyong may nakalaang $86,000 kabuuang premyo kung saan tatanggap ng $20,000 ang magkakampeon.

“It’s an honor to be chosen to play in that tournament, and I will do my best to win it and once again make our country proud,” wika naman ni Orcollo.

May kabuuang 16 na pinakamahuhusay na players sa buong mundo ang lalahok sa event na gaganapin sa loob ng tatlong araw sa taunang BACPL National 8-Ball Championships.

Bukod kina Pagulayan at Orcollo, ang iba pang players na kasali ay sina Immonen, World 10 Ball Champion Darren Appleton at Imran Majid ng England, Tony Drago ng Malta, Shane Van Boening at Johnny Archer ng United States at Alain Martel ng Canada.

Kasali din sina five-time champion Ralf Souquet ng Germany, Niels Feijen at Nick van den Berg  ng Netherlands, Ruslan Chinakov ng Russia, Fu Jianbo ng China, Raj Hundal ng India at nag-iisang babaeng kalahok na si   Yu Ran Cha ng Korea.

Show comments