Lady Booters bugbog sa Vietnam

NAKHON RATCHABURI -- Ang tanging magagawa ng RP lady booters ay magdasal dahil wala na sa kanilang kamay ang kanilang pag-asa matapos malasap ang nakakahiyang 0-10 kabiguan sa Vietnamese sa 24th SEA Games women’s football saTumbon Mueangpug Stadium dito kahapon.

Ang tanong ngayon ay kung kanino mas maaawa ang Vietnam sa Pinas o sa Laos.

Mahahatak ng Vietnamese ang RP IX sa semifinals kung tatalunin nina ang Laos ng 11-goals sa kanilang laban bukas. Makakasama ng Vietnam ang Laos sa semis kung mananalo ang huli.

“We’re down but we’re still hoping and praying. Definitely, Vietnam can score more than 10 goals against Laos,” sabi ni RP star Marielle Benitez.

Nag-init ang Vietnamese sa kanilang unang laban sa torneo matapos umiskor ng anim na goals sa first half pa lamang upang dominahin ang RP Lady Booters.

Nanguna sa mga mabibilis at mas organisadong Vietnam sina  Do Thi Ngoc Cham at Doan Thi Ngoc Anh na may tigatlong goals at dalawa naman ang naiambag ni Nguyen Thi Minh Nguyet, tig-isa kina Bui Thi Tuyet Mai at Tran Thi Kim Hong. (N. BELTRAN)

Show comments