Bulkang Mayon pumutok, itinaas sa Alert Level 3
MANILA, Philippines — Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pagputok ng Bulkang Mayon nitong Biyernes, Oktubre 30.
Ayon sa Phivolcs, nangyari ang moderately explosive eruption sa bulkan alas-11:53 ng umaga na nagdulot ng mabilis na pagkalat ng ash plume ng hanggang tatlong kilometro ang taas.
Batay sa Volcano Alert Level Scheme ay itinaas na sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, o nangangahulugan na nasa “high level of volcanic unrest”.
Sa naturang alert level din maaari umanong makaranas ng madalas na pagyanig, pagbuga ng usok at abo, paglabas ng gas, at pamamaga ng bulkan.
Posible ring magkaroon ng pagdaloy ng lava, at malapit na rin umano sa ibabaw ang magma kaya posibleng magkaroon ng mapanganib na pagsabog sa loob ng ilang linggo.
Binabalaan ang publiko na iwasang pumasok sa itinakdang danger zone, na hanggang walong kilometro mula sa bunganga ng bulkan, at sundin ang abiso ng mga otoridad.
- Latest




















