Sekyu, 1 pa 2 utas sa pamamaril sa Quezon

CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Dalawang lalaki ang patay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa bayan ng Tiaong at Buenavista, sa Quezon kamakalawa, ayon sa Quezon Police Provincial Office (QPPO).
Sa Tiaong, Quezon, patay ang 49-anyos na security guard na si “Bok” matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek habang naglalakad sa Maharlika Highway, Barangay Lagalag, bandang alas-5:20 ng hapon.
Ayon sa pulisya, papasok sana sa trabaho ang biktima nang lapitan at barilin ng mga suspek na agad tumakas sakay ng itim na motorsiklo na walang plaka.
Samantala, sa Brgy. Bulo, Buenavista, patay rin ang 29-anyos na si alyas “Loto” matapos pagbabarilin habang naglalakad pauwi sa kanilang tahanan bandang alas-8:00 ng gabi.
Natukoy ng mga awtoridad ang suspek na bumaril umano kay Loto na si “Salto Jr.,” 33-anyos, isang mekaniko, na patuloy pang pinaghahanap ng pulisya.
Inatasan na ni QPPO Director PCol. Romulo Albacea ang pulisya sa dalawang nasabing bayan na masusing imbestigahan ang nasabing mga krimen, repasuhin ang mga CCTV footages upang ang mga suspek, at motibo sa magkahiwalay na pamamaslang.
- Latest

















