Higit 17K pulis ikinalat sa Martial Law anniversary
MANILA, Philippines — Aabot sa17,018 tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang ikinalat sa buong bansa para tiyakin ang seguridad at kaayusan sa paggunita sa ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ngayong Setyembre 21.
Kabilang sa deployment ang 8,553 tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO), mga personnel mula sa Regional Support Units at Reactionary Standby Support Force, mga pulis mula sa PRO-CAR, PRO1, PRO3 at PRO4A, at 1,000 tauhan ng Philippine Coast Guard. Naka-Full Alert Status ang NCRPO mula alas-12:01 ng madaling-araw noong Setyembre 18.
Ayon kay PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan niya ang mga pulis na pairalin ang maximum tolerance, pagpipigil at propesyonalismo, lalo na sa mga public assembly, habang iginagalang ang karapatan ng publiko sa mapayapang pagpapahayag.
Hinimok naman ng PNP ang mga kalahok na panatilihing mapayapa at maayos ang mga aktibidad, huwag harangan ang emergency routes at agad lumapit sa mga pulis o responder sakaling magkaroon ng emergency o insidente.
- Latest






















