ZUS Coffee winalis ng Choco Mucho

MANILA, Philippines — Hinataw ng Choco Mucho ang ikalawang sunod na panalo matapos lagukin ang ZUS Coffee, 25-20, 25-17, 25-20, sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Humataw si Sisi Rondina ng 15 points at may 13 markers si Eya Laure para sa 2-0 record ng Flying Titans kasama ang 22-25, 18-25, 25-17, 25-20, 15-8 pagdaig sa Capital1 Solar Spikers noong Sabado.
“Every game kailangan namin mag-deliver, kailangan namin magpakita talaga kung ano iyong iniensayo namin and siyempre, i-translate namin sa paglalaro namin,” ani Rondina. “Nagtulungan lang kami para makuha iyong panalo.”
Matapos ilista ang 2-0 bentahe sa laro ay kinuha ng Choco Mucho ang 20-16 abante sa ZUS Coffee mula sa magkasunod na atake ni Laure.
Ang palo ni Kat Tolentino ang naglagay sa Fying Titans sa match point, 24-18, bago nakasingit si AC Miner sa panig ng Thunderbelles, 20-24.
Tinapos ni Laure ang laro sa kanyang matulis na palo.
Sa unang laro, nagkuwintas si Bella Belen ng triple-double para igiya ang Capital1 Solar Energy sa 28-26, 22-25, 25-15, 23-25, 21-19 pagtakas sa Akari.
Kumolekta si Belen ng bagong career-high 35 points bukod sa 20 excellent digs at 19 receptions sa pagbangon ng Solar Spikers sa naunang 25-22, 25-18, 17-25, 20-25, 8-15 pagtiklop sa Choco Mucho Flying Titans noong Sabado.
- Latest





















