Crossovers pinisak ang Nxled Chameleons
MANILA, Philippines — Ipinoste ng Chery Tiggo ang ikatlong dikit na panalo matapos patumbahin ang Nxled, 23-25, 25-23, 25-16, 25-20, sa 2024 PVL All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Humataw si Mylene Paat ng 15 points mula sa 13 attacks, isang ace at isang block para sa 5-2 record ng Crossovers.
Nagdagdag si Eya Laure ng 12 markers, habang may 11 points si Ces Robles.
Kumolekta si Alina Bicar ng 17 excellent sets at 13 excellent digs.
Laglag ang baraha ng Chameleons sa 1-5 bagama’t nakahugot kay Ivy Lacsina ng 20 points.
Matapos kunin ng Nxled ang first set, 25-23, ay winalis ng Chery Tiggo ang sumunod na tatlong sets.
Sa unang laro, pumalo si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 19 points mula sa 15 attacks, tatlong aces at isang block sa 25-11, 25-19, 25-14 demolisyon ng Petro Gazz sa Capital1 Solar Energy.
Pinaganda ng Gazz Angels ang kanilang baraha sa 5-2 at inihulog ang marka ng Solar Spikers sa 1-6.
Nagmula ang Petro Gazz sa isang five-set loss sa Chery Tiggo.
“It’s good to get a win coming off a loss, I’m really proud of my team for being able to bounce back the way we did,” wika ni Van Sickle.
Nag-ambag si Jonah Sabete na siyam na marka para sa Gazz Angels, habang may pito at anim na puntos sina Remy Palma at Iv Perez, ayon sa pagkakasunod.
Umiskor si Des Clemente ng anim na puntos para pamunuan ang Solar Spikers.
Kasalukuyan pang naglalaban ang nagdedepensang Creamline (5-1) at Cignal HD (4-1) kagabi habang isinusulat ito.
Magkakaroon ng break ang PVL All-Filipino Conference para obserbahan ang Holy Week.
Magbabalik ang mga aksyon sa Abril 2 tampok ang banatan ng PLDT Home Fibr (5-1) at Akari (2-4) sa alas-4 ng hapon kasunod ang banggaan ng Choco Mucho (5-1) at Galeries Tower (2-4) sa alas-6 ng gabi sa Pasig City venue.
- Latest