Simmons iginiya ang NLEX sa 4-0 record
MANILA, Philippines — Tinupad ni import Jo-nathon Simmons ang kanyang pangako na ihahatid ang NLEX sa 4-0 record para sumosyo sa liderato ng 2023 PBA Governors’ Cup.
Kumolekta ang dating NBA player ng 38 points, 7 rebounds at 5 assists sa 98-94 pagtakas ng Road Warriors sa Phoenix Fuel Masters kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nakatakdang umalis ngayong araw si Simmons para maglaro sa Chinese league at papalitan ni dating NBA campaigner Wayne Selden.
“It’s just too bad that Simms have to leave. But again, we just have to go on and work with our 4-0 run,” ani coach Frankie Lim.
Nag-ambag si Anthony Semerad ng 16 markers para sa pagtabla ng NLEX sa Converge sa liderato at may 14 at 11 points sina Brandon Ganuelas-Rosser at Don Trollano, ayon sa pagkakasunod.
Binanderahan ni import Du’Vaughn Maxwell ang Phoenix, may 1-3 baraha, sa kanyang 25 points, 11 rebounds at 7 assists, habang may 17 markers at 13 boards si Jason Perkins.
Kinuha ng Road Warriors ang 13-point lead, 48-35, sa 5:43 minuto ng second quarter galing sa layup ni Kevin Alas bago nakalapit ang Fuel Masters sa halftime, 49-52.
Naagaw ng Phoenix ang 71-66 kalamangan mula sa hook shot ni Maxwell sa 2:47 minuto ng third period, habang nakabalik sa unahan ang NLEX sa likod ni Simmons para sa kanilang 92-76 abante sa 4:39 minuto ng final canto.
Ang free throws ni Perkins ang nagdikit muli sa Fuel Masters sa 92-96 sa huling 18 segundo.
- Latest