Champion sa clean & green program...Loma De Gato Garden
Ngayong araw na ito ay ibabahagi ko po sa inyo ang isang huwarang garden na nagsusulong ng organic farming sa bansa at nag-champion sa katatapos na search for clean and green program na Gulayan sa Barangay sa buong bayan ng Marilao, Bulacan.
Ang aking tinutukoy ay ang Loma De Gato Garden na pinangangasiwaan ng kanilang masipag na barangay kagawad na si Ramon Trinidad na siyang Chairperson ng Committee on Agriculture.
Si Ramon ay mahigit dalawang dekadang pangulo ng TODA sa kanilang lugar at first termer na kagawad ng Barangay Loma De Gato.
Ayon kay Ramon, itinalaga siya sa Committee on Agriculture dahil sa pagkakahilig niyo sa pagtatanim mula pa sa kanyang pagkabata na kanyang minana sa kanyang mga magulang.
Dahil sa sipag, tiyaga at dedikasyon sa trabaho ni Ramon ay nag-champion ang Barangay Loma De Gato sa katatapos na Gulayan sa Barangay 2026 sa Marilao Bulacan.
Kumpleto ang mode of farming na isinulong ni Ramon sa kanilang luntiang garden. Bukod sa mga tanim na iba’t ibang uri ng gulay mula sa mga patapon na bagay at direkta sa lupa ay maroong din Hydroponics at Aquaponics ang Barangay Loma De Gato.
May alaga ring iba’t ibang uri ng hayop tulad ng pabo, bibe, manok at iba pa. Majority sa harvest sa Loma De Gato Garden ay ginagamit sa feeding program ng barangay na malaking tulong sa mga residente.
Nais din ng pamunuan ng Brgy. Loma De Gato na makatulong na isinusulong na food security ng bayan ng Marilao kaya higit na pinagbuti ang pagtatanim at pag-aalaga ng hayop at isda.
Nagsimula lamang sila sa pagtatanim sa nasa 500-square meter na bakanteng lote ngayon, na nadagdag pa ng nasa 3,000 square meter na taniman ng gulay.
Bukod sa pagtatanim ay nagbibigay na rin ng lecture si Ramon sa mga nagnanais matuto ng kanyang ginagawa sa garden.
Malugod naman nagpapasalamat si Ramon sa mga taong tumutulong at sumusuporta sa kanya sa pangunguna ng Local Government ng Marilao, Department of Agriculture at mga kapwa barangay official.
Hinihikayat ni Ramon ang lahat na magtanim ng sariling pagkain, mag-alaga ng isda at hayop.
Ngayong Linggo, October 4, 2026 ay mapapanood ninyo ang aking interview kay Kagawad Ramon Trinidad sa TV show ng Magsasakang Reporter na Masaganang Buhay na ngayon ay Season 24 na.
Tuwing araw ng Martes ay regular ninyong mababasa ang aking kolum dito sa Pilipino Star Ngayon (PSN) ng Star Media Group of Publications.
Sa mga tanong at komento ay maaari ninyo akong i-text, huwag po tawag, sa 09178675197. STAY SAFE, SALAMAT PO, HAPPY FARMING, GOD BLESS US ALL.
- Latest















