^

PSN Opinyon

EDITORYAL — 5-taong termino ng BSK officials

Pilipino Star Ngayon

INAPRUBAHAN na ng Senado sa ikatlo at huling­ pagbasa ang panukalang gawing limang­ taon ang termino ng mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK).

Sa botong 13-5, pumasa ang Senate Bill No. 2387 na magpapahaba sa kasalukuyang apat na taong termino.

Kapag naging batas, mapapaliban din ang BSKE na nakatakda sa Nobyembre 2026 at ililipat ito sa 2028.

May punto ang mga sumusuporta rito.

Ayon kay Sen. Chiz Escudero, mas mahabang termino ang magbibigay sa mga lokal na opisyal ng sapat na panahon upang magplano, magpa­tupad at magsuri ng kanilang mga programa.

Kung limang taon ang mas praktikal, pag-aralan at itakda ito. Pero bakit kailangang ma­kinabang agad dito ang mga kasalukuyang opisyal?

Huling bumoto para sa barangay at SK of­ficials noong 2023. Kapag natuloy ang panu­kala, sa 2028 na lamang muling makakapili ang mga botante.

Ito ang mas malaking problema. Ang termino sa puwesto ay hindi simpleng dagdag na panahon para tapusin ang mga proyekto. Ito ay mandatong ibinibigay ng mga botante.

May mga bagong lider ding naghihintay ng pagkakataon. Binigyang-diin ni Sen. Bam Aquino­ na maraming kabataan ang handang tumakbo at maglingkod.

Maging ilang kasalukuyang SK officials ay nais na ring tumungo sa susunod na yugto ng kanilang buhay.

May gastos din ang posibleng pagpapaliban. Halos 8 bilyon na ang naiulat na nagastos ng Comelec sa paghahanda para sa halalan nga­yong taon.

Hindi kailangang mamili sa pagitan ng reporma at eleksyon. Maaari namang itakda ang limang taong termino at ipatupad ito sa mga susunod na mga ihahalal.

Sa katunayan, isa rin ito sa mga puntong ini­hain laban sa panukala: maaaring ayusin ang termino nang hindi kinakailangang ipagpaliban muli ang BSKE.

Kung tunay na layunin ang magkaroon ng malinaw at permanenteng electoral cycle, ma­gandang simula ang paggalang sa botong nakatakda na.

Baguhin ang termino kung kinakailangan.

Pero bago bigyan ng limang taon ang mga opisyal, hayaan munang bayan ang pumili kung sino ang karapat-dapat bigyan nito.

ELECTION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with