EDITORYAL— Pangangalaga sa kalikasan
MATAPOS masagip noong Hulyo 3 sa Bukidnon dahil sa sugat na dulot ng pellet gun, namatay noong Hulyo 18 ang Philippine Eagle na si Sawaga-Dalwangan habang nire-rehabilitate sa Philippine Eagle Center sa Davao City. Ilang linggo lamang siyang binigyan ng pag-asa—kumakain na, gumaling ang sugat, umiiral ang lakas—bago sumuko sa isang malubhang medical crisis. Ang pambansang ibon, na may 700 na lamang natitira sa buong bansa, ay muling nawalan ng mahalagang miyembro. Ang pangyayaring ito ay paalala na minsan ay kapos ang oras bago lubusang maramdaman ang tulong para sa wildlife.
Hindi lamang sa kabundukan nararanasan ang hamon sa pangangalaga ng kalikasan. Sa Sitio Tibag, Barangay Naugsol, Subic, Zambales, mula 2019 pa ginawang pansamantalang dumpsite para sa basura ng pandemya ang bahagi ng ancestral domain ng mga Aeta. Pitong taon ang lumipas subalit naroon pa rin ang bunton ng basura sa kanilang lupa. Bagamat naglabas na ng kautusan ang DENR noong Nobyembre 2025 para isara ito, mas naging mabilis ang aksyon matapos itong maitampok sa dokumentaryong “Ibinasurang Paraiso” ng mamamahayag na si Kara David noong Hulyo 12. Ang mga ganitong sitwasyon ay nagpapakita ng kahalagahan ng mas pinaigting na pagbabantay upang hindi na umabot sa puntong kailangang maipalabas muna sa TV bago maipatupad ang mga regulasyon.
Sa Marikina naman, nagkakaisang nananawagan ang mahigit 500 residente ng Provident Village laban sa planong pagputol ng 21 malalaking puno para sa isang bridge project. Batay sa environmental monitoring report para sa Marcos Highway–St. Mary Avenue Bridge Project, nasa 514 na puno at halaman ang maaapektuhan. Bagamat hiniling na ni Marikina City Mayor Maan Teodoro sa DENR at DPWH na masuri at mapangalagaan ang mga natitirang puno, umaasa ang mga mamamayan sa isang malinaw na gabay at desisyon mula sa mga ahensya kung paano balansehin ang kaunlaran at pangangalaga sa kalikasan.
Tatlong magkaibang lugar, tatlong magkaibang hamon sa kalikasan, ngunit nag-iwan ng iisang aral: ang kahalagahan ng mas maagap at proaktibong hakbang. Ang paggabay ng DENR ay mahalaga upang hindi na maghintay na mamatay ang huling agila, magtagal ang mga dumpsite, o umabot sa petisyon ng mga residente bago kumilos. Ang layunin ay hindi ang magsisihan, kundi ang magtulungan upang masigurong epektibong naipatutupad ang mga batas-pangkalikasan.
Panahon na upang higit pang patatagin ang ugnayan sa pagitan ng pamahalaan, mga katutubong komunidad, at taumbayan. Sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagbabantay sa mga protektadong lugar at agarang pagtugon sa mga ulat ng paglabag, masiguro nating may maabutan pang mga kagubatan, ancestral land at mga likas na yaman ang susunod na henerasyon.
- Latest















