^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Wala nang kakalam na sikmura

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL � Wala nang kakalam na sikmura

WALA na raw magugutom na Pilipino sa ilalim ng “Bagong Pilipinas” sabi ni President Ferdinand­ Marcos Jr.. Wala raw maiiwan at makakaranas ng gutom­. Lahat ay makatitiyak na may sapat na pagkain.

Sinabi ito ng Presidente noong Sabado nang pangu­nahan niya ang seremonyal na pag-aani ng palay sa Bgy. Mandili, Candaba, Pampanga. Masagana ang ani sa nasabing lugar na nagpapakitang malaki ang kikitain ng mga magsasaka. Nakatitiyak din na sapat ang kakainin dahil maraming aanihin.

Hiniling din naman ng Presidente sa mamamayan na makipagtulungan dahil ito ay maghahatid sa mas ma­gan­dang Pilipinas kung saan wala ni isa man ang maiiwan. Lahat umano ay makikinabang sa “Bagong Pilipinas”.

Ang sapat na pagkain sa hapag ang minimithi nang nakararaming Pilipino. Nang ipangako ni Marcos noong 2022 presidential elections na magiging P20 ang kilo ng bigas, maraming nagtiwala. Iyon marahil ang dahilan kaya maraming natanggap na boto si Marcos at naluklok sa puwesto. Maraming nanalig na matutupad ang pangako sa murang bigas. Pero ang pangako ay hindi nagkatotoo. Bagkus, ay nagmahal pa—umaabot sa P60 ang kilo ng bigas.

Marami naman talagang nagugutom na Pilipino. Sa surbey ng Social Weather Station (SWS) noong Disyembre­ 2023, 12.6 percent ng mga pamilya ang nagsabing nakaranas sila ng gutom sa huling tatlong buwan ng 2023. Ayon sa SWS, ang insidente ng pagkagutom ay naranasan sa Mindanao, Metro Manila, Balance Luzon at Visayas.

Sa surbey ng OCTA Research na ginawa noong Dis­yembre 2023, naitala na tumaas sa 3.7 milyong pamil­yang Pilipino ang walang makain. Ang Visayas ang na­italang may mataas na porsiyento na nagsabing walang makain at sinundan naman ng Mindanao.

Ang Metro Manila at Mindanao ay nananatiling ma­taas ang bilang ng mga nagugutom o ang mga nagsa­sabing wala silang makain. Ibig sabihin, nananatili pa rin ang kasalatan nang marami at wala silang maipantustos sa pang-araw-araw na pamumuhay. Marami pa rin ang walang trabaho na tumutugna naman sa resulta ng surbey kamakailan na problema pa rin ang unemployment sa bansa.

Umaasa na ang mga sinabi ng Presidente na wala nang magugutom sa ilalim ng “Bagong Pilipinas” ay mag­kakaroon ng katuparan at hindi pawang kathang-isip lamang. Para makakain ang marami, nararapat makalikha nang maraming trabaho at magagawa iyan kung ang pag­tutuunan ng pamahalaan ay ang pagpapaunlad sa agrikultura na dating hinawakan ng Presidente. Ito ang sure na walang kakalam na sikmura. Paunlarin ang sakahan.

vuukle comment

BAGONG PILIPINAS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with