^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Alagwa na ang reclamation projects

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Alagwa na ang reclamation projects

Binigyan na ng clearance ang Pasay City Eco-City Coastal Development para maipagpatuloy ang kani­lang reclamation projects sa Manila Bay. Ang pagbibigay ng clearance ay maaring maging dahilan­ para ipaggiitan din ng iba pang kompanya ang pagsasa­gawa ng kanilang reclamation. At kung mang­yayari ito, balewala ang kautusan ni Presidente Fer­dinand Marcos Jr. noong Agosto 7, 2023 na nagpapahinto sa lahat ng reclamation projects sa buong bansa. Dalawampu’t dalawang reclamation projects ang ipinatigil ni Marcos. Hindi umano maganda ang pamamahala at operasyon ng mga ito kaya niya ipinahinto.

Pero nagbago ang ihip ng hangin at meron nang ma­ka­kapagsasagawa ng reclamation, apat na buwan makaraang ipag-utos na itigil ang reclamation projects. Anong nangyari? Ipinaliwanag naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Philippine Reclamation Authority (PRA) na nakakuha ang Eco-City ng environmental compliance certificate (ECC) kaya naaprubahan. Dalawa ang reclamation projects ng Eco-City sa Manila Bay—ang “Pasay 265” at “Pasay 360”.

Tiyak nang aalagwa ang reclamation projects hindi lamang sa Manila Bay kundi sa marami pang bahagi ng bansa dahil sa pagbibigay ng permiso sa Eco-City. Wala namang lakas o “ngipin” ang DENR para mapi­gilan ang mga kompanya. Isa pa rin sa dahilan ay wala namang inilabas na Executive Order si Marcos Jr. Kung nag-isyu ng EO tiyak na may kapangyarihan ang kautusan. Dahil sa salita lang niya idinaan ang pag-uutos sa suspension ng reclamation projects, madaling balewalain.

Tiyak ding magpapatuloy ang mga isinasagawang seabed quarrying sa dalampasigan ng Cavite. Ang dred­ging operations sa nasabing probinsiya ang dahilan para maapektuhan ang pinagkukunan ng ikinabubuhay ng mga mangingisda. Sabi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) marami silang nakitang dredging vessels sa Rosario, Noveleta, Tanza at Naic na nagpapatunay na ang kautusan sa pagpapatigil sa reclamation projects ay walang katotohanan. Ang patuloy na dredging operations ay nakaaapekto sa kabuhayan ng mga ma­ngingisda na umaasa sa Manila Bay.

Mayroon ding reclamation projects sa Isla Verde sa Ba­tangas kung saan ginagawa ang liquefied natural gas terminals at power plants doon. Sa Isla Verde matatagpuan ang mayayamang coral reefs. seagrasses at marine fauna. Ang Verde Island Passage ay kilala sa mundo dahil sentro ng global shore-fish biodiversity.

Magkaroon sana ng ngipin ang DENR at magpakita ng tapang sa mga kompanyang nagsasagawa ng reclamation na nakaaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda at sumi­sira sa kalikasan. Ito rin ang itinuturong dahilan nang malawakang baha sa Metro Manila at karatig probinsiya.

vuukle comment

MANILA BAY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with