^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Body camera, gamitin na ng PNP

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Body camera, gamitin na ng PNP

HANGGANG ngayon, hindi pa gumagamit ng body camera ang Philippine National Police (PNP) at nararapat nang magsalita ukol dito si Gen. Guillermo Eleazar para maliwanagan kung bakit wala pa ang pinakamahalagang gamit para sa police operation. Nasaan na ang mga biniling body cameras?

Kung may body camera ang mga pulis, wala na silang kahirap-hirap sa pagpapatotoo ng mga nangyari. Ang body cameras ang magiging patunay o ebidensiya na ginawa lamang nila ang naaayon sa batas. Hindi sila matatakot humarap sa mga nag-aakusa sa kanila.

Apat na pulis ang sangkot sa pagpatay kay Edwin Arnigo, 18, may autism, ng Valenzuela City. Ni-relieve na sila sa puwesto ni Eleazar habang iniimbestigahan ang kaso. Sabi ng mga sangkot na pulis, aksidente ang pagkakabaril kay Arnigo. Pero dahil wala silang maipakitang ebidensiya, nasa balag sila ng alanganin at maaaring makasuhan at makulong dahil sa pagkakapatay kay Arnigo.

Ayon kay Sr. M.Sgt. Christopher Salcedo, inagawan siya ng baril ni Arnigo nang mag-raid sila sa isang tupadahan sa Bgy. Lingunan. Sa pag-aagawan, pumutok ang baril at tinamaan si Arnigo sa puso at baga.

Sabi naman ng ina ni Arnigo, hindi magagawang mang-agaw ng baril ang kanyang anak at matindi raw ang takot nito sa mga pulis. Kinaladkad daw ang kanyang anak sa tupadahan at hinubaran ng damit at binaril.

Inalis na sa puwesto ang apat na pulis habang ginagawa ang imbestigasyon. Sa nangyaring ito, dapat nang ipatupad ni Eleazar ang pagsusuot ng body camera sa mga pulis. Ano pa ba ang problema sa pagsusuot ng body camera? Noong nakaraang taon, sinabi ng PNP na 2,600 body cameras na ang nakahandang gamitin. Bakit wala pa?

Ang pagsusuot ng body camera ay pinanukala makaraan ang brutal na pagpatay ng tatlong pulis sa 17-anyos na si Kian delos Santos noong 2017 sa Caloocan City. Nagsagawa ng drug operation ang mga pulis sa lugar at nadamay si Kian. Ang brutal na pagpatay ng tatlong pulis ay nakunan ng CCTV. Habambuhay na pagkabilanggo ang hatol sa tatlong pulis.

Ngayon si Edwin Arnigo naman ang biktima at nagkukumahog na naman ang PNP kung paano ipaliliwanag ang pagkakapatay sa tinedyer. Kung may body camera ang mga pulis-Valenzuela, solb na ang problema.

vuukle comment

BODY CAMERA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with