^

PSN Opinyon

Walang utang na loob ang pamangkin

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

(Huling bahagi)

PINAYAGAN ni Medy ang pamangkin na si Perla at asawa nitong si Dado na magtayo ng bahay sa kanyang lupa sa kondisyon na (1) pananatilihin nila ang kooperasyon at tahimik na titira sa lupa, iiwasan din nila ang bangayan sa isa’t isa, (2) ang kanilang layunin ay hindi kontra sa kanyang sariling layunin, (3)  anumang kita sa lupa ay ipapamahagi sa magkakamag-anak sa kondisyon na mas malaki ang makukuha ng mas naghihirap, at (4) kusang aalis sa lupa ang sinumang kaanak na hindi makakatiis sa kanyang mga kagustuhan at hahanap ng ibang titirhan.

Nang magretiro, nagbalik sa Pilipinas si Medy at muling tumira sa bahay nina Perla at Dado. Habang tumatagal ay umaasim ang kanilang relasyon. Hindi sumusunod ang pamilya ni Perla sa mga suhestiyon at pagbabagong gustong ipatupad ni Medy lalo tungkol sa kalusugan at kalinisan ng kanilang lugar. Sa katunayan ay sinasagot ng panganay na lalaki ni Perla si Medy sabay inaambaan ng kamao at minumura kapag sinisita niya. Bandang huli ay ginagaya na rin ni Perla ang anak kaya napilitan na si Medy na ireklamo sila sa barangay para sa pagmumura, pananakot at paninirang-puri.  Inutos ng lupon na umalis ang pamilya ni Perla sa lupa ni Medy at bayaran na lang nito ang anumang nagastos sa pagpapatayo ng bahay.

Lalong nasira ang samahan ng magtiyahin nang palayasin sila ni Medy sa lupa. Ayaw umalis ng pamilya ni Perla kaya tuluyan na silang kinasuhan ng unlawful detainer sa MTCC. Ang depensa ng mag-asawa ay nalalaman at may permiso ni Medy ang kanilang pagpasok sa lupa at pagtatayo ng bahay/tahanan.

Pinaboran ng MTCC si Medy at dineklarang hindi sapat na dahilan ang good faith o mabuting layunin ng mag-asawa para hindi sila sumunod at kusang umalis sa lupa. Naging illegal na raw ang kanilang patuloy na pagtira roon dahil hindi naman sila nagbabayad ng upa at kinukunsinti lang sila rati ni Medy. Iyon nga lang at binaliktad ng RTC at ng CA ang hatol. Hindi pa raw nareresolba ang usapin tungkol sa kung sino ang dapat humawak sa lupa kaya hindi daw masasabing si Medy lang ang magpapasya dahil ang babae rin naman ang unang pumayag na tumira sila doon. Idinagdag pa ng CA na batas ng “usufruct” ang dapat sundin. Pero hindi napatunayan ni Medy na huminto na ang karapatan nina Dado at Perla na hawakan ang lupa. Tama ba ang RTC at CA?

Ayon sa SC, mali ang RTC at CA. Totoo na nagkaroon ng kasunduan (usufruct) sa lupa. Pero hindi dapat ibinasura ang kaso ng unlawful detainer dahil lang masyado pa itong maagang isinampa. Ang ibig sabihin lang naman kasi ng usufruct ay tungkol sa pagpayag ng isa na hawakan ng iba ang kanyang lupa. sa kaso ni Medy ay ipinaalam niya kay Perla at Dado pati na sa iba nilang mga kaanak  ang pagpayag niya na gamitin nila ang kanyang lupang pag-aari, hayaan silang magtayo ng sarili nilang bahay at manirahan doon hanggang gusto nila at ito ay malinaw na kasunduang tinatawag natin na “usufruct”.

Pero may mga kondisyon na kapalit at nakalatag ito sa dokumentong ginawa ni Medy. Isa na rito ang titira sila sa lupa sa kondisyon na hindi kontra o taliwas sa layuin niya ang layunin nila. Malinaw din na ipinaabot ni Medy sa kanila na dapat silang magkasundo at magkaroon ng kooperasyon, iwasan ang pagbabangayan sa isa’t isa at dapat umalis o humanap ng ibang tirahan ang sinumang hindi makasunod sa kanyang mga gusto. Matatapos ang usufruct sa paglabag sa mga kondisyong nabanggit. Sa kasong ito, ang patuloy na away sa pagitan ni Medy at ng mag-asawang Perla at Dado, ang karahasan at kahihiyang kanyang sinapit sa kabila ng kanyang edad at mahinang pangangatawan ay sapat na basehan para tapusin ang usufruct. Malinaw na nakasaad sa batas (Art. 579 Civil Code) na walang karapatan ang mag-asawa na maghabol o humingi ng bayad sa ginastos nila sa bahay. Dapat silang umalis na walang inaasahang kapalit sa kanilang nagastos (Moralidad vs. Spouses Pernes, G.R. 152809, August 3, 2006).   

vuukle comment

JOSE C. SISON

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with