Kanya-kanyang kalayaan
NANG tumungo itong pangkat ng mga kabataan sa Kawit noong nakalipas na June 12, Araw ng Kalayaan, alam nila kung ano at sino ang kanilang dadatnan. Mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang naka-schedule na magtatalumpati. Nagpunta ba sila upang makinig?
Ano man ang kanilang intensyon, ngayon ay alam na ng lahat na sa kalagitnaan ng pananalita ng ating Pangulo, bigla na lang silang lumantad, may bitbit na mga poster. Ang mensahe ay ang panguwestiyon sa kalayaang ginugunita. “Huwad na Kalayaan” ang kanilang sigaw.
Ang mga nagpakana ay agad inaresto at ngayon ay kakasuhan ng panggugulo o “disturbing the peace”. Ang halimbawa ng mga kabataang ito at ang ginawang hakbang ng mga awtoridad ay magandang palaisipan. Ano ang implikasyon nito at dito ng kalayaang pinagdiriwang sa mga sumandaling iyon?
Kung may pinaglalaban ang mga bata maliban sa kanilang mensahe, ito ay ang karapatang magpahayag ng kanilang saloobin ng walang pagaalinlangan. Sa kabilang dako, ang mga awtoridad ay may sinusulong na interes. Hindi ang seguridad ng pagkatao ng Presidente o ang sapilitang pagrespeto sa kanya. Ang kanilang pinaglalaban ay karapatan ding makapagpahayag ng mismong taong nagtatalumpati sa isang pampublikong lugar. Hindi kailangang maging Presidente – maging ang pinakasimpleng tao ay maari ding maging speaker. At kapag inimbitahang magsalita, may ekspektasyon din sana itong mabigyan ng kaukulang respeto.
Ang reaksyon ng Pangulo sa naganap na pambulabog ay bagay na sana’y tularan. Hindi ito napikon. Kinilala niya ang karapatan ng mga batang magpahayag ng damdamin. Sana nga ay kumuha ng senyales dito ang mga pulis na nanggagalaiting magsampa ng kaso. Wala namang gaanong perwisyong ibinigay. Mas maganda para mapangatawanan ang mga kalayaang pinaglaban ng ating mga ninuno na iyong tinatayang “maximum tolerance” na binitiwan ni PRRD ay masunod, lalo na kapag ang eksena ay ginanap sa tunay na pampublikong lugar.
- Latest