^

PSN Opinyon

Resbak ng higante

REPORT CARD - Atty. Ernest Maceda - Pilipino Star Ngayon

HINDI mapigilan ng Senado na manindigan sa pagpatalsik ng Mataas na Hukuman sa punong mahistrado, Ma. Lourdes P.A. Sereno. Wala sa Senado kung makatwiran nga ang argu­mento ng mga nais magpatanggal kay Sereno. Ang hindi nila masangayunan ay ang mismong pagtangka ng Supreme Court na dinggin ang reklamo na maaring magresulta at nagresulta nga sa pagpatalsik sa kanya sa puwesto. Sa tingin ng ating mga Senador, parang inagaw ng Korte ang isang kapangya­rihan na ayon sa Saligang Batas ay tanging ang Lehislatura ang may karapatang gumamit. Malinaw ang kanilang interpretasyon: sa paraan lamang ng impeachment maaring alisin sa puwesto ang isang mahistrado at ang dalawang kapulungan ng Lehislatura lang ang puwedeng gumawa nito.

Maari sanang magpatay malisya na lang ang Senado at idahilan na wala pa namang umaabot sa kanilang reklamo mula sa mababang kapulungan. Ang House nga ay nanahimik at tahasang pinaubaya sa Korte ang inisyatibo na dati ay sa kanila. Mayroon ding mga sektor ng lipunan na nag-aabiso na respetuhin ang desisyon ng Supreme Court.

Subalit imbes na magpadala sa agos, ang Senado ay nagsalita. Ang kanilang argumento ay tumutumbok sa mismong desisyon ng Korte. Ano man ang maging resolusyon nitong banggaan ng dalawang malaking institusyon, importanteng kilalanin ang integridad na ipinamalas ng Senado sa pagtanggol ng kanilang teritoryo. At pati na rin sa pagpasa ng kanilang bersyon ng Bangsamoro Basic Law na hindi hinayaang manatili ang mga probisyon na maaring labag sa Saligang Batas. Sa bangayan ng tatlong kagawaran sa mga isyung pang Konstitusyon, ang hindi tumindig at ipag­laban ang kanilang poder ay sa malaon ay matatanggalan ng poder. Bawat pananahimik ay para na ring pagsuko ng puwesto sa institusyong mapilit. Hihina ang posisyon ng una habang lalakas ang loob ng huli.

Ang suma total kapag ito’y mangyari ay tataob ang sensi­tibong timbang ng checks and balance sa gobyerno. Lahat tayo talo. Kaya kesyo aprub ka o kontra, ang pagtindig ng Senado ay hindi lamang para sa kanilang institusyon. Ito ay para sa kapakinabangan ng lahat.

vuukle comment

MA. LOURDES P.A. SERENO

SUPREME COURT

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with