EDITORYAL - May panahon pa si Bato
INI-EXTEND uli ni Pres. Rodrigo Duterte ang term ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa. Ang pag-extend sa term ni Dela Rosa ay inihayag ni Duterte nang magsalita sa oathtaking ng Federation of Indian Chamber of Commerce of the Philippines sa Malacañang noong Martes. Hindi sinabi ng Presidente kung gaano katagal ang extension ng term ni Dela Rosa pero sinabi niyang mahaba-haba ito.
Dapat ay noong nakaraang Enero 21, 2018 pa nagretiro si Dela Rosa pero ini-extend siya ni Duterte ng tatlong buwan. Dapat ay tapos na ang kanyang term sa Abril 24, 2018. Maaaring sa isang taon na magretiro si Dela Rosa, ito ay kung hindi uli i-extend ng Presidente ang kanyang term. Sabi naman ni Executive Sec. Salvador Medialdea, tatlong buwan ang extension ni Dela Rosa bilang PNP chief.
Nakuha ni Dela Rosa ang tiwala ng Presidente kaya naman kahit na paparetiro na ay ini-extend pa ang termino. Sabi ng Presidente nang unang i-extend ang term ni Dela Rosa, marami pa raw hindi natatapos ang PNP chief kaya binibigyan niya ito ng pagkakataon para tapusin ang mga iyon. Una nang sinabi ng Presidente na si Dela Rosa ang mamumuno sa Bureau of Corrections (BuCor) sa sandaling ito ay magretiro sa PNP.
Malaki ang tiwala ni Duterte kay Bato at nararapat lamang na tuparin nito ang lahat nang nakaatang na responsibilidad. Ngayong ini-extend siya, dapat mag-double time siya sa pagtatrabaho para maiangat ang imahe ng PNP na nadungisan dahil na rin sa mga ginagawa ng mga scalawag na pulis.
Maraming pulis ang sangkot sa masamang gawain. Sa kabila na dinagdagan na ng suweldo, marami pa rin ang nangongotong, nanghuhulidap at suma-sideline sa pagbebenta ng shabu. Mayroong mga pulis na ginagamit ang “Oplan Tokhang” para magkapera. Gaya ng mga pulis na sangkot sa pagpatay sa isang Korean businessman sa Pampanga. Dinukot ang Koreano sa kanilang bahay at saka pinatubos pero pinatay din. Ang masaklap, sa loob pa ng Camp Crame pinatay.
May pagkakataon pa si Bato para ireporma ang PNP. Binigyan siya ng extension kaya nararapat niya itong samantalahin. Ipakita na kayang linisin ang nadungisang PNP.
- Latest