'Liham mula sa sex killer'

 (Unang bahagi)

Walang katotohan na hindi nabubunyag. Kung minsan lubhang natatagalan lamang.

“Nagsusumamo po ako na muling mabuksan ang kaso para sa ikatatahimik ng aking konsensya upang mapatawad na rin ako ng Diyos,” pagsusumamo ng isang ‘caller’.

Nakatanggap kami ng tawag mula sa isang ‘SERIAL SEX KILLER’ o ‘gay killer’ na kasalukuyang nakapiit sa N99P-2836 ng Iwahig Penal Colony, Palawan. Ikinumpisal niya sa amin ang pagpatay sa tatlong kabataan.

Siya si Resty Ahito Panganiban alyas Christian Salvacion, 36 na taong gulang. Siya’y una nang lumapit sa Calvento Files sa Channel 2 nung kasagsagan ng aking docu-drama sa telebisyon nung taong 1997.

Una na siyang tumayong testigo sa isang brutal na patayan na naganap sa isang gymnasium sa Batangas. Dahil sa kanyang testimonya, nakulong ang isang tao na wala namang kinalaman sa krimen.

Noon pa lamang, may duda na ako sa kanyang mga sinasabi at ito ay kanyang kinumpirma na tama ako makalipas ang labing-tatlong taon (13years). 

Kamakailan nakatanggap kami ng liham mula kay Christian.

Inaamin niya ngayon na siya ang nasa likuran ng walang awang pagpatay sa isang sampung-taong gulang (10) na lalaki. Ito ang mga nilalaman ng kanyang sulat.

“Isa po ako sa libu-libong masugid na tagasubaybay at nanonood ng inyong programa sa mahabang panahon… Nagpasya po akong sumulat sa inyong programa upang sabihin at ibunyag ang katotohanan sa isang krimen na pagpasyal at panggagahasa sa isang bata na si “John”, 10-taong gulang sa may bahagi ng stadium ng Batangas City.

Sa kasawiang-palad, suspek ang isang nagngangalang Marco Papasin at siya ang lumabas na akusado sa pangyaya­ring ito. Nakulong at nakalaya na rin.

Samantala, dalawang beses na rin akong natampok sa inyong programa sa Calvento Files sa TV noong taong 1997. Sa pagpaslang at panggagahasa rin sa overpass, parteng Costal Road, Parañaque City.

Sa ibang dako, ang pangyayaring pagpatay naman sa isang bata sa Kabihasnan Public Cemetery sa parehong taon. Sa pagkakataong ito Mr. Calvento, ang tatlong nabanggit na krimen na nangyari ay gusto ko pong linawin.

Gusto ko pong linisin ang pangalan ng mga taong inosente sa nangyaring krimen. Gusto ko pong bigyan ng katarungan ang mga taong walang ginawang kasalanan, ang mga taong pinagkaitan ng panahon at pinarusahan. Gusto ko pong mapawalansala ang mga naparusahan at ang parusang ibinigay sa kanila. Higit sa lahat, para naman sa ikatatahimik ng konsensya ng taong salarin o tunay na salarin.

Mr. Calvento, panahon nang maihayag ang katotohanan upang malaman ng publiko kung ano ang totoo. Panahon na rin para harapin ang batas at panahon na rin upang lumapit sa Diyos upang tanggapin ang kasalanan at magsisi.

Ang taong tinutukoy ko na dapat managot o may pana­nagutan sa batas na dapat siyang parusahan at siya ang tunay na salarin sa panggagahasa at pagpatay sa overpass, Coastal Road, Parañaque City. Panggagahasa at pagpatay kay John sa Stadium sa Batangas City, panggagahasa at pagpatay sa Kabihasnan, Parañaque City ay iisa lang na kung tawagin ako’y Christian Salvacion.

Sa pamamagitan ng tulong at buong suporta mula sa inyong problema ay hinihiling ko po na mabuksang muli ang kasong ito. Lalo na sa kasong pagpatay sa Kabihasnan, Public Cemete­ry dahil ang mga akusado ay mga inosente. Nakakulong at nagdurusa sila sa loob ng bilangguan ng National Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City na wala namang kasalanan.

Ako po ay nakapiit ngayon sa MSC-INAGAWAN, SUB PRISON, IPPF, Puerto Prinsesa City, Palawan sa kasong Rape. Kaya sa pagkakataong ito Calvento Files, nagsusumamo po ako na muling mabuksan ang kaso para sa ikatatahimik ng aking konsensya upang mapatawad na rin ako ng Diyos…”

Sa tulong ng aking mga staffs sinubukan naming hanapin si Christian subalit wala naman siyang iniwang kahit anong contact number sa ipinadala niyang liham.

Ika-17 ng Nobyembre, nakatanggap kami ng text mula sa isa ring preso ng Palawan na may parehong kaso. Nagpakilala rin siyang si Christian.

“Si Christian Salvacion po ito pero Resty A. Santarin po ang gamit ko nung nagpa-Calvento po ako. Please Ma’am tulungan n’yo ako. Hindi po ako pinapatulog ng konsensya ko,” laman ng text ni Christian.

Nung una’y hindi namin maiwasang magduda sa text na aming­ natanggap subalit nakumpirma namin ito nang makatanggap kaming­ muli ng text mula sa parehong numero. Ito ang nilalaman ng kanyang text.

“Taong 1997 nang madaanan ko ang isang bata, isinama ko siya at dinala sa sementeryo. Mabilis ang pangyayari. Agad kong itinulak at inumpog sa bato. Nawalan siya ng malay. Ginahasa ko siya at pagkatapos sinalpakan ko ng bote ang ari niya. Agad akong tumakas. Pagkalipas ng tatlong araw, may nahuling dalawang tao at sila ang naging suspek. Kaya ngayon nakikiusap ako sa inyo na tulungan n’yo akong humarap sa mga taong naagrabyado ko para matahimik ang aking konsensya…”

Agad naming tinawagan ang numero ng nag-text sa amin. Dito ko nakumpirma na siya nga si Christian Salvacion at Resty Ahito na una kong naitampok sa Calvento Files sa telebisyon.

Upang lubusang makuha ang mga detalye ng krimen na kinasangkutan ni Christian, kinapanayam namin siya sa aming programa sa radyo “Hustisya Para sa Lahat sa DWIZ 882 KHZ (tuwing 3:00 ng hapon).

ABANGAN ang EKSKLUSIBO naming panayam kay Christian dito sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON sa Biyernes.

(KINALAP NG MGA REPORTORIAL TEAM NG CALVENTO FILES)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan an gaming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

* * *

Email: tocal13@yahoo.com.

Show comments