Huwag pa-hostage sa MILF

MABUTI naman at tila “all systems go” na sa August 11 ARMM elections. Tama si Senator Chiz Escudero. Hindi dapat maging sunud-sunuran ang administrasyong ito sa kapritso ng Moro Islamic Liberation Front  (MILF) na ipagpaliban ang halalan hangga’t hindi nalalagdaan ang Ancestral Domain Agreement na magpapalawak sa kanilang teritoryo.

Sabi nga ni Chiz, ito’y pagpapakita ng kahinaan ng gobyer­nong ito. At kung nagpapakita ng kanilang puwersa ang MILF sa pamamagitan ng pagkubkob sa ilang barangay sa Min­danao, lalu na sa North Cotabato, dapat itong sagutin ng puwersa ng gobyerno. Iyan ang itina-tad­hanang gawin ng military sa ilalim ng Konstitusyon. Pro­tektahan ang soberenya at kaligtasan ng bansa. Mabuti’t pinakinggan  ng MILF ang ultimatum ng militar at kusa nang umatras sa mga sinakop na baryo.

Hindi basta-basta panloob na problema ang kaso ng MILF. Mukhang ginagamit ang samahang ito ng dayuhang lakas para maihiwalay ang malaking parte ng Mindanao sa Pilipinas.  Hindi dapat bayaang malansag ang sarili nating bansa. Wika nga ni Sen. Chiz “Demanding for a postponement of the election is part of the design of the Moro Islamic Liberation Front and the Organization of Islamic Conference in establishing an independent state”.

I don’t want to sound like a religious bigot pero  naka­rarami pa rin ang mga Kristiyano sa Mindanao. Maaaring balido ang sinasabi ng mga Moro rebels na dati tayong mga Muslim lahat. Pero noon iyon. Wala tayong pakikipag-talo sa mga Muslim pero dapat galangin ang karapatan ng tao na pumili ng relihiyon.

Isa pa, ang MILF ay hindi naman kumakatawan sa  lahat ng Muslim. Sa pagkakilala ko sa relihiyong Islam, ito’y relihiyon ng ka­paya­paan dahil iyan ang kahulugan ng Islam. Pero bakit imbes na kapayapaan ay ka­gulu­han, pagpatay at pang­wa­wasak ang ini­haha­sik ng mga rebel­de?

Naniniwala rin ako na may mga kababayan tayong Muslim na bi-lang tunay na Pilipino  ay hindi pababayaang magiba at mahati ang ating republika. Pare-pareho tayong Pinoy - Muslim man o kristi­yano. Mahalin natin ang Inang-bayan.

Show comments