Kay ganda ng Hong Kong

Sa may ilang bansa na aming nasapit

Ang Isla ng Hong Kong ay kaakit-akit;

Doon ay nakita magandang paligid

Kung kaya pasyalan nang maraming tourists!

 

Ang Hong Kong Disneyland – isang paraiso

Na kagigiliwan ng bata at lolo;

Mga palarua’y malinis at bago

At walang basura na nagkalat dito!

 

Sumunod na aming pinuntahang lugar

Kay taas na pook ang ngala’y Ocean Park;

Ang pagtungo roo’y malayo’t mataas

Ang aming sinakya’y bantog na cable cars!

 

Matarik na bundok, malawak na dagat

Ang aming tinawid na kagulat-gulat;

At doo’y napansing kabado ang lahat

Dahil sa pangambang kami ay bumagsak!

 

At itong Ocean Park nang aming marating

Ay kay dami palang doo’y panoorin;

May mga laruang malinis – matulin

Kaya mga apo ay aliw na aliw.

 

Doo’y naroroon yaong Ultimate Reef

Higanteng aquarium na parang daigdig;

Iba’t ibang isda roo’y mamamasid

Mayro’ong barakuda, may pating, may pusit!

 

Habang iniikot malaking aquarium

Parang gusto naming tumira na roon;

Doon ay tahimik walang mga maton

Walang terorista’t pulitikong kangkong!

 

At saka sa Hong Kong doo’y may subway train,

Sa saglit na sakay malayo ang dating;

Nakapagtatakang nang ito ay gawin

Nalagyan ng riles lugar na kay lalim!

 

Ang huling sinakyan ang tawag ay Peak Tram

Paakyat sa bundok – mataas na lugar;

Pagsapit sa dulo ay mapagmamasdan

Na ang buong Hong Kong maganda’t mailaw!

Show comments