Sapin-saping krimen sa pork mula China

MARAMING krimen ang naganap sa pag-angkat ng bawal na pork mula China nu’ng Agosto at pagkawala nito nu’ng Nobyembre.

Ang pagpuslit ng kontrabando ay technical smuggling. Minarkahan ng Asia Golden Ark Marketing ang 100,000 kilong pork, nasa P6 milyon, na mumurahing "frozen mackerel" – isang panlilinlang na labag sa Tariff and Customs Code. Alam nilang bawal umangkat ng unprocessed poultry at meat mula China dahil sa bird flu at foot-and-mouth disease.

Nawala ang pork sa Sigma Warehouse, Manila Harbor. Labag sa Penal Code ang pagnanakaw – pananagutan ng Sigma, na may espesyal na kontratang mag-report lang kay Customs chief Napoleon Morales.

Marami pang ibang krimen. Halimbawa, paano nalisensiyahan ng Customs ang importer na Asia Golden nu’ng Hunyo gayong wala itong BIR tax records nu’ng 2004 at 2005, nasangkot sa smuggling ng itlog mula rin China nu’ng Enero, at nagbago ng opisina na hindi inabisuhan ang Customs? Pineke ba ng Asia Golden ang papeles, o pabaya ang mga nag-screen na mga tao ni Morales? Falsification of documents o negligence of duty, parehong labag sa batas.

Bago matuklasan ang nakawan sa Sigma ware-house, dinetalye ng Customs auction and cargo disposal division ang planong pagbaon sa kumpiskadong pork sa Pampanga. Nirekomenda pa ito ng Manila district collector kay Morales. Pero hindi natuloy ang paglibing, kasi peke pala ang plano. Ni walang paglilibingan; binabaha ang dumpsite at walang permit sa local officials. Tila kasabwat sila sa nakawan o pagtatakip dito. Conspiracy o obstruction of justice, krimen pareho.

Natagpuan ng pulis ang nawawalang 90,000 kilo ng pork sa Kayabe Cold Storage sa Pampanga. Inupahan daw ng Mekeni Food Corp., malaking maglo-longganisa at magto-tosino, ang tatlong bodega. Sabi ng mga hindi nakaiintindi, buyer in good faith ang Mekeni. Pero ayon sa batas, ang sinumang bumili ng nakaw na bagay ay nagkakasala rin ng fencing, paglabag din sa Penal Code.

Show comments