Sa langit na magsusulat

(Handog kay Kuya Maximo V. Soliven)

Mayr’ong isang writer na ubod ng galing

kahi’t anong paksa ay kayang sulatin;

Siya ay mabait -— hindi siya sakim

sapagka’t busilak ang kanyang damdamin!

Ang writer na ito ay hinahangaan

ng buong daigdg sa kanyang larangan;

Ang kislap ng diwa ay tunay na brilliant

at ang kanyang puso ay pandaigdigan!

Tanging siya lamang sa panahong ito

ang nakasusulat ng paksang ginusto;

Tilamsik ng diwa ay sa isang henyo

kaya publisista na walang tatalo!

Kanyang pahayaga’y The Philippine STAR

kung kaya lumago ay sa kanya utang;

Bata at matanda’y kinagigiliwan -—

ang kanyang panulat ay iginagalang!

May mga okasyong siya’y nangungusap

mga nakikinig humahangang ganap;

Ang bawa’t katagang sa labi ay nulas

ay kapupulutan ng dunong na likas!

Sa mga paksaing ang bayan ay sangkot

ang kanyang panulat ay nakalulugod;

Sa kalaba’t hindi siya’y naglilingkod

pagka’t ang layunin ang bansa’y lumusog!

Kaya nga wala nang hihigit sa kanya

sapagka’t panulat tangi’t naiiba;

Siya’y Pilipinong may diwang maganda

kaya kung magsulat —- ginto ang resulta!

Ngunit isang araw siya ay tinawag

ng Poong Bathalang kadluan ng lahat;

Ang sabI ng Diyos: "Halika na Pantas —

ngayo’y sa langit Ko ikaw magsusulat"!

Show comments