^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Ibuhos ang pondo para mailikas ang mga OFW

-
WALA pang nakikitang liwanag sa pagitan ng Israel at Lebanon. Madilim ang natatanaw sa bahaging iyon ng Middle East. Walang palatandaang hihinto ang labanan. Kaya nararapat lamang na ilikas nang lahat ang mga overseas Filipino workers na naroon. Kung hindi pa kikilos nang todo ang gobyerno ng Pilipinas sa paglilikas sa lahat ng mga OFW doon baka mayroon nang madamay. Lalo pa nga at pati mga miyembro ng United Nations peace keeping force ay nadadamay na sa labanan. Apat na UN members ang napatay nang tamaan ng rocket ng mga Israeli.

Mahigit 30,000 ang mga OFW sa Lebanon at ang naililikas pa lamang ay mahigit 600. Pakonti-konti ang paglilikas ng mga OFW na labis namang nakapagtataka sapagkat mayroon namang pondo sa repatriation ayon sa Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA). Ayon sa OWWA, P8 bilyon ang pondo nila para sa mga ililikas na OFW.

Lalo nang naging mainit ang isyu sa pondo ng OWWA nang sabihin ni Philippine ambassador sa Lebanon Alfrancis Bichara na wala nang pondo para sa mga OFW at naghihintay pa sila ng bagong pondo na manggagaling sa Maynila. Ibig sabihin, hindi nakahanda ang gobyerno sa biglaang pangangailangan ng mga OFWs. Kung kailan sumiklab na ang kaguluhan saka lamang sila nagkukumahog. Nasaan kung ganoon ang pondong bilyones na dapat ay nakahanda na bago pa man lumala ang sitwasyon sa Lebanon. Marami sa mga foreign nationals ang matagal nang nailikas ng kani-kanilang mga embahada roon samantalang ang mga OFWs ay dinadala muna sa isang simbahang Katoliko sa Beirut at saka lamang pakonti-konting dinadala sa Syria. Kung may nakahandang pondo, maaaring gawing minsanan ang paglilikas.

Inutil ang embahada sa Lebanon sapagkat hindi sila makagawa ng opisyal na listahan ng mga OFWs na nasa bansang iyon. Anong silbi ng embahada kung hindi naman nagagampanan ang tungkulin sa mga Pilipino roon? Kung hindi pa kay Fr. Advincula, isang paring Pinoy sa Beirut, walang kukupkop sa mga OFW na tinagurian pa namang mga "bagong bayani".

Kung totoong may pondong P8 bilyon para sa mga OFW, ibuhos na ito nang todo para naman mailikas na ang lahat ng Pinoy na naiipit ng labanan sa Lebanon. Huwag nang hintayin pang may mamatay o masugatang Pinoy doon. Hindi dapat isama ang pulitika sa paglilikas ng mga OFW sapagkat buhay ang nakataya rito.

vuukle comment

ADVINCULA

KUNG

LEBANON ALFRANCIS BICHARA

MIDDLE EAST

NANG

OFW

OVERSEAS WORKERS AND WELFARE ADMINISTRATION

PINOY

UNITED NATIONS

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with