^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Pagbabantay sa mga ‘backdoor’ ng Pilipinas

Pilipino Star Ngayon

Sinabi ni Department of Interior and Local­ Go­vernment (DILG) Secretary Jonvic Remulla na palalakasin ang pagbabantay sa mga “back­door” ng bansa. Ito ang mga rutang ginagamit upang makalabas nang hindi dumaraan sa immigration controls.

Lalong naging mahalaga ang usapin matapos sabihin ni Remulla na nakalabas na umano ng bansa sa ganitong paraan si gambling tycoon Charlie “Atong” Ang na kasalukuyang­ hina­hanap ng mga awtoridad matapos maglabas ng mga warrant of arrest kaugnay ng mga kasong kidnapping at kidnapping with homicide.

Si Ang ang itinuturong “utak” sa pagka­wala ng 36 na sabungeros sa pagitan ng 2021 at 2022. Makaraang maglabas ng warrant kay Ang, bigla na lamang itong nawala. Hinihinalang nakalabas ng bansa si Ang nang dumaan sa “backdoor” at umano’y nasa Thailand o Myanmar ayon sa mga awtoridad. May mga retiradong police officials umano na tumulong kay Ang para ma­kalabas ng bansa.

Tama naman ang gobyerno na dagdagan ang kakayahan sa Philippine Coast Guard, Philippine National Police at iba pang ahensiya. Malawak ang baybayin ng Pilipinas at imposibleng bantayan ang bawat kilometro nito sa lahat ng oras. Sa backdoor din hinihinalang nagdaan kaya nakalabas ng bansa si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at mga kasama na sangkot sa POGO. Nadakip sila sa Indonesia at nakakulong na ngayon sa Correctional.

Pero hindi lamang bagong kagamitan ang kailangan ngayon para mapaigting ang pagbabantay sa “backdoor”. Kung may impormasyon na tungkol sa isang wanted person pero mabagal itong makarating sa mga pantalan, coastal communities at mga awtoridad sa karatig-bansa, may puwang pa ring makalusot. Kung may mga kila­lang illegal route ngu­nit mahina ang intelligence gathering at koordinasyon, hindi sapat ang radar, patrol boat o surveillance equipment.

Dapat ding malaman kung sino ang tumu­tulong sa mga tumatakas. Ang paglabas sa isang “backdoor” ay hindi simpleng paglakad palabas ng bansa. Maaaring kailangan nito ng sasak­yan, bangka, ruta, contact at iba pang taong­ nakaaalam kung paano iiwas sa regular na checkpoints. Ang mga network na ito ang dapat matukoy at maputol.

Mahalaga rin ang mas mabilis na palitan ng impormasyon sa pagitan ng national agencies, local governments at mga karatig-bansa. Hindi kayang maglagay ng bantay sa bawat dalampasigan, kaya kailangang mas matalino at mas target ang pagbabantay sa mga lugar na madalas gamitin sa illegal departures.

Ang tunay na “backdoor” ay hindi lang isang tagong daungan o ruta sa dagat. Maaari rin itong maging butas sa intelligence, koordinasyon at enforcement.

Kung gustong pigilan ang pagtakas ng mga wanted person, iyon mismo ang kailangang isara.

DILG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with