Ang isyu ng house arrest ay binuksan ni Housing Sec. Michael Defensor kay Estrada nang dumalaw siya sa VMMC noong Lunes. Sinabi ni Defensor na marami sa mga Metro Mayors ang nagnanais mailagay sa house arrest ang dating Presidente. Ganoon man sinabi ni Defensor na ang pagpunta niya sa VMMC ay sarili niyang kagustuhan at sinabi pang si dating Vice Mayor Jinggoy Estrada ang talagang sadya niya. Magkaibigan umano sapul pa sa pagkabata si Defensor at si Jinggoy. Marami naman ang nagdududa na may basbas ni Mrs. Arroyo ang pagpunta ni Defensor sa VMMC.
Kung may basbas ng Presidente ang pagpunta ni Defensor kay Estrada, tiyak na hindi magtatagal at maha-house arrest ang dating Presidente na santambak ang kaso na ang pinaka-mabigat ay ang plunder. Kung magkakaganito, tiyak na magkakasunud-sunod na ang kakatwang posisyon ng pamahalaan sa kaso ni Estrada. Lalo pa nga at ang mga abogado ni Estrada ay nagsabing ang pag-house arrest kay Estrada ay makababawas sa political tension na nangyayari sa bansa. Idinagdag na suportado na ng marami, mapa-religious at mapa-civic leaders ang pag-house arrest kay Estrada.
Ang mga Pilipino ay kilalang malambot ang loob. Maski ang nakagawa na ng kasalanan sa kanila ay maaaring mapatawad. Maaaring kalimutan ang lahat. Sanay hindi ganito ang mangyari kay Estrada. Mula sa magarang kuwarto niya sa VMMC ay patungo na sa kanyang tahanan. Hindi kaya ang kasunod nito ay ang lubusan na niyang pagkakahulagpos sa mga kasong kanyang kinasasangkutan? Totoo na sa pagsapit ng Pasko ay ang pagkakaisa at pagkakasundo ang dapat umiral, pero kakaiba ang kaso ni Estrada kung ito ang ibig palabasin ngayon ng gobyerno.