JOE'S COHORTS

Humihirit pa ’tong sina Tito Sotto at Robert Joworski. Pinag-iinitan ang Smart at Globe dahil sa text messages na tumitira sa kanila. Ano ba ang magagawa ng cellphone companies? E, sa galit ang taumbayan kina JOE’S COHORTS – sina Jaworski, Oreta, Santiago, Coseteng, Ople, Honasan, J. Osmeña, Revilla, Tatad, Sotto – mga senador na bumara sa pagbubukas nu’ng Enero 16 ng ikalawang sobre ng ebidensiya ng P3.3 bilyong Equitable account ni Joseph Estrada sa alyas Jose Velarde.

Para namang hindi pulitiko itong sina Sotto at Jawo. Ang pulitika ay labanan ng lakas. Pinagkakasunduan lang nga kung anong klaseng lakas ang gagamitin sa labanan. Lakas ng armas, sa pasismo. O lakas ng consensus or dami ng boto sa demokrasya.

Lumaban nang lakas ang 11 senador. Dinaan sa dami ng boto ang usaping pulitika sa impeachment trial kung bubuksan ang sobre o hindi. Nanalo sila – pero sa loob lang ng Senado.

May mas malakas na boto sa demokrasya – tinig ng taumbayan. Dumagsa ang milyun-milyon sa EDSA. Ipinamalas na hindi sila nasiyahan sa boto nina JOE’S COHORTS. Isinigaw ang hatol nila kay Erap: Guilty.

Tapos na ang labanan. Laglag si Erap. Angat si Gloria Macapagal-Arroyo. Tanggap na ito ng 11 senador. Hindi nga lang matanggap ng ilan sa kanila ang pagkamuhi ng madla.

Isa lang ang solusyon dito. Aminin nila ang pagkakamali. Huwag nang ipilit na bumoto kuno sila ayon sa konsensiya; wala namang naniniwala, e. Mangakong magbabago na. Humingi ng tawad sa bayan. Tapos, magdasal na tanggapin sila muli. Kundi, tuloy ang text messages.

Ito pa namang text messaging, kakaiba’t natatangi lang sa Pinoy. Isang modernong armas ng demokrasya. Mag-text ka muna kahit saan man ng banat o biro tungkol sa 11 senador. Sa loob ng dalawang oras, asahan mo, dalawang milyong Pinoy sa Baguio, Dagupan, Manila, Cebu, Davao ang sabay-sabay na manggigigil o maghahalakhakan kina JOE’S COHORTS. ’Yan ang napala nila.

Show comments