Bus operators, may 6 buwang palugit sa ‘left-side door policy’ - DOTr
MANILA, Philippines — Binigyan ng Department of Transportation (DOTr) ng anim na buwan ang mga bus operator sa EDSA Busway upang maglagay ng pintuan sa kaliwang bahagi ng kanilang mga bus, alinsunod sa patakarang naglalayong matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, hindi na palalawigin ang deadline upang matiyak na direkta nang makasasakay at makabababa ang mga pasahero sa platform ng mga istasyon. Sa mahigit 500 bus na bumibiyahe sa EDSA Busway, 181 pa lamang ang may pintuan sa kaliwang bahagi.
Inihayag ni Lopez ang direktiba matapos inspeksiyunin ang rehabilitadong EDSA Busway Monumento Station, kasama sina Senior Undersecretary Mark Steven Pastor at LTFRB Acting Chairman Greg Pua. Aniya, mapanganib para sa mga pasahero ang pag-ikot sa mga bus na nasa kanang bahagi ang pintuan upang makasakay o makababa.
Nagbabala ang kalihim na pagmumultahin, sususpindihin o hindi na pahihintulutang bumiyahe sa EDSA Busway ang mga operator na hindi makasusunod sa itinakdang palugit. Binigyang-diin niyang wala nang karagdagang extension sa pagpapatupad ng left-side door policy.
- Latest





















