Acacia na higit 100-taong gulang tumba kay ‘Aghon’, 2 sasakyan nabagsakan!
MANILA, Philippines — Isang puno ng acacia na may 100-taong gulang na ang naibuwal ng bagyong Aghon sa pananalasa nito sa bayan ng Taytay, Rizal kahapon ng umaga.
Minalas namang mabagsakan ng puno ang dalawang sasakyan na nakaparada lamang sa parking lot ng Minor Basilica ng John the Baptist.
Ayon kay Rizal Governor Rebecca Ynares, dakong alas-9:00 ng umaga nang maganap ang insidente habang kasalukuyang nagaganap ang isang banal na misa.
Napinsala ang mga nabagsakang sasakyan na kinabibilangan ng isang puting van at isang green na sports utility vehicle (SUV).
Mapalad namang walang iniulat na nasaktan o nasugatan sa insidente.
Ayon sa pamunuan ng Minor Basilica, 18th century pa ay nasa simbahan na ang naturang puno. Base na rin umano ito sa mga larawan ng simbahan. Itinanim umano ang puno noong 1830s.
Nagpahayag din ng kalungkutan ang parokya dahil sa nangyari ngunit nagpapasalamat na walang nasugatan sa insidente.
“The parish community, while saddened by the loss of this iconic natural landmark, is grateful that no lives were lost,” mensahe nito.
- Latest